LUNGSOD AGHAM NG MUÑOZ (PIA) — Tumutulong ang Central Luzon State University – Agriculture and Food Technology Business Incubator o CLSU-AFTBI sa mga nagnanais magsimula o mayroon ng negosyo.
Ayon kay CLSU- AFTBI Project Leader Pablo Rafael Jr., handang tumulong ang tanggapan upang mapaganda ang mga produkto at mapaunlad ang negosyo ng mga nagsisimula pa lamang sa hanapbuhay partikular ang mga nasa linya ng agrikultura, pagkain at produktong pang-teknolohiya.
Makikita sa CLSU-AFTBI ang mga makinarya at kagamitang angkop sa pagpo-proseso ng mga produkto gayundin ay mayroong laboratoryo na ginagamit sa pananaliksik ng mga guro, estudyante at micro, small and medium enterprises o MSMEs.
Hangad ng ahensiya na magkaroon ng mahalagang ambag upang makatulong sa komersyalisasyon ng mga produktong gawa ng mga MSMEs sa pamamagitan ng pananaliksik ng unibersidad tungo sa naising umunlad ang ekonomiya ng rehiyon at buong bansa.
Pahayag ni Rafael, maaaring mag-enroll ang mga MSMEs sa incubating program ng CLSU-AFTBI na kung saan tutulungan sila mula sa produksiyon hanggang sa makayanan nang maitaguyod ang sariling negosyo, na programa ng gobyerno para sa mga negosyante at technology generators.
Marami na ding teknolohiya ang maaaring ma-adopt ng mga MSMEs tulad ang mga natuklasang produkto na pellet feeds sa kambing, test kit para sa pagtukoy ng Porcine Epidemic Diarrhea sa mga alagang baboy, at mga processed food gaya ng tilapia ice cream, mango liquor, pineapple papaya jam, instant papaitan, instant kapukan, processed meat, fruit juices at maraming pang iba.
Gayundin ay hindi tumitigil ang tanggapang tumuklas ng mga bagong pamamaraan, teknolohiya at produktong kailangan sa kasalukuyang panahon.
Isa sa mga nakalinyang proyekto ng CLSU-AFTBI katuwang ang mga lokal na pamahalaan sa Nueva Ecija ang pagkolekta at pagproseso ng mga vegetable waste tulad ng balat ng sibuyas at iba pang gulay na nakitang epektibo sa produksiyon ng tilapia.
Ang mga interesadong negosyante at nagsisimula pa lamang sa negosyo ay inaanyayahang tangkilikin ang mga programa ng CLSU-AFTBI upang masanay at mabigyan ng tulong teknikal.
Nakikipag-ugnayan din ang tanggapan sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan, pribadong ahensiya at financial institutions upang matulungan ang mga incubatees na ilapit ang mga gawang produkto sa merkado. (CLJD/CCN-PIA 3)