Home Headlines 2021-22 TESDA scholars sa Gitnang Luzon, pumalo sa 189,693

2021-22 TESDA scholars sa Gitnang Luzon, pumalo sa 189,693

550
0
SHARE

LUNGSOD NG TARLAC (PIA) — May kabuuang 189,693 ang nabigyang pagsasanay ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA sa Gitnang Luzon mula 2021 hanggang Setyembre 2022.

Sa numerong iyan, 92,240 ang community-based; 82,893 ang institution-based; at 14,560 ang enterprise-based.

Sa ginanap na Dagyaw 2022: Bayanihan sa New Normal na Lipunan hybrid forum, sinabi ni TESDA Regional Director Balmyrson Valdez na layunin ng mga community-based training na maipaabot ang serbisyo ng ahensya sa mga malalayong lugar kabilang na ang mga kabundukan upang mabigyang pagsasanay ang mga pamayanan na akma sa kanilang pangangailangan.

Inilahad ni Technical Education and Skills Development Authority Regional Director Balmyrson Valdez na may kabuuang 189,693 ang nabigyang pagsasanay ng ahensya sa Gitnang Luzon mula 2021 hanggang Setyembre 2022. Isa siya sa mga panauhin sa isinagawang Dagyaw 2022: Bayanihan sa New Normal na Lipunan hybrid forum. (Paul John Lopez/PIA 3)

Pagbibigay diin niya, hindi lamang mga kasanayan sa paggawa ang kanilang ibinabahagi kundi maging ang proseso sa pagnenegosyo.

Aniya, itinuturo nila sa mga kalahok partikular sa mga katutubo ang pagnenegosyo upang sila ay hindi mabigla sa pangangasiwa ng kanilang kinikita bagkus maging bihasa sa pamamahala ng mga ito.

Samantala, hangarin ng ahensya na madagdagan pa ang enterprise-based training sa mga susunod na buwan.

Sa patuloy na pagdami ng mga ipinatatayong gusali, proyekto, at rehabilitasyon sa rehiyon ay tinututukan din ang pangangailangan ng mga industriya ng nararapat at may kasanayan na manggagawa.

Kabilang rin sa prayoridad ng TESDA ang Trainers Development o pagsasanay ng kanilang mga guro sa iba’t ibang kurso.

Pahayag ni Valdez, binigyang pagsasanay rin ang kabuuang 984 trainers upang matugunan ang pagtuturo sa kabila ng pandemya sa pamamagitan ng flexible training delivery.

Sa kasalukuyan, mayroong 478 Technical Vocational Institutions sa rehiyon na kung saan 1,893 naman ang mga programang maaaring pagpilian.

Ang Dagyaw 2022 ay inorganisa ng Department of the Interior and Local Government, Department of Budget and Management, at Philippine Information Agency. (CLJD/GLSB-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here