Home Headlines Mataas na Competitiveness Index ng Bulacan, 2 bayan muling kinilala

Mataas na Competitiveness Index ng Bulacan, 2 bayan muling kinilala

571
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Nananatiling nasa hanay ng mga nangunguna sa epektibong reporma ang mga pamahalaang Bayan ng Baliwag at Santa Maria at ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan.

Patunay ito na hindi natitinag ang nasabing mga bayan at ang Bulacan sa kabuuan sa mga hamon na dala ng pandemya ng COVID-19.

Ayon kay Department of Trade and Industry Provincial Director Edna Dizon,  pinapatunayan din nito ang katatagan at determiniasyon ng mga Bulakenyo na makabangon muli.

Kinilala ng National Competitiveness Council ang pamahalaang bayan ng Baliwag bilang Top 2 na Overall Most Competitive sa kategoryang First to Second Class Municipalities. Sinasalamin nito ang tagumpay ng bayan sa larangan ng economic dynamism, innovation, resiliency at infrastructure. (DTI)

Sa ginanap na 10th Cities and Municipalities Competitiveness Index o CMCI Awards ng National Competitiveness Council, Top 2 ang Baliwag bilang Overall Most Competitive sa kategoryang First to Second Class Municipalities.

Para kay Mayor Ferdinand Estrella, ang mga matatagumpay na pinagsumikapan ng pamahalaang bayan ay paghahanda at pagpupundar sa kaganapan na maging isang lungsod ang Baliwag.

Ito rin aniya ang dapat na maging batayan ng mga mamamayan nito sa pagboto ng “Yes” sa itatakdang plebisito matapos isabatas ng Kongreso ang Republic Act 11929 na naglalaman ng charter ng pagiging Component City ng Baliwag.

Kalakip nito ang pagiging Top 4 ang Baliwag sa aspeto ng Resiliency dahil sa modernisasyon ng Rescue FVE at pagkakaroon ng Climate Change Center ng pamahalaang bayan.

Sa imprastraktura, Top 6 ang Baliwag kung saan pangunahing nakapag-ambag dito ang pagkukumpleto ng konstruksiyon ng Baliwag section ng Pulilan-Baliwag Diversion Road at paglalagay ng mga Solar Light Panels sa kahabaan ng nasabing bagong daan.

Inilalatag na rin ang distribution lines ng Baliwag Water District para sa Stage 3 ng proyektong Bulacan Bulk Water Supply, kung saan padadaluyin dito ang tubig mula sa Angat Dam upang magamit bilang potable water.

Iba pa rito ang nasa 136 milyong pisong flood control project ng Department of Public Works and Highways o DPWH sa bayan gaya ng slope protection project sa gilid ng Angat River na bahagi ng bayan, drainage improvement sa Poblacion, Virgen Delas Flores at sa Sulivan.

Ang mga proyektong farm-to-market at barangay roads ng DPWH sa Baliwag ay umaabot sa halagang 75 milyong piso na nailatag sa mga barangay ng Subic, Virgen Delas Flores, Sabang, Hinukay, Calantipay, Matangtubig, Pinagbarilan, Bangong Nayon, Riel, Tumana, Santa Barbara, Sto. Cristo at sa  Concepcion.

Nasa Top 9 naman ang Pamahalaang Bayan ng Santa Maria sa larangan ng imprastraktura. Pinakabago rito ang distribution lines na ibinabaon ng Santa Maria Water District para sa Bulacan Bulk Water Supply Project Stage 3.

Sa Innovation na pinakabagong kategorya sa CMCI, Top 7 ang Baliwag kung saan kinilala rito ang Information and Communication Technologies o ICT Plan ng pamahalaang bayan.

Kabilang dito ang presence at active na website at social media sites ng Baliwag Business, Investment and Economic Enterprise, Baliwag Agri, Baliwag Traffic Management Office at ang Baliwag Rescue FVE.

Pinakasikat sa ICT innovation ng Baliwag ang Digital Vaccination Card kaugnay ng COVID-19 Vaccination and Booster Program. Iba pa rito ang E-mga Online Payment Facilities at ang Business Processing and Licensing System software.

Ito ang ginagamit ng pamahalaang bayan upang makapaglabas ng renewal o bagong business permit na wala pang isang araw.

Kaya’t nakaapekto rin ito upang matamo ng Baliwag ang Top 8 sa Economic Dynamism na matagumpay na nakapaghikayat ng mga bagong pamumuhunan.

Halimbawa na rito ang pagtatayo ng Joy Residences condominium project ng SM Development Corporation na inaprubahan kamakailan ng Department of Human Settlements and Urban Development.

Iba pa rito ang pagbubukas ng Waltermart-Baliwag at iba’t ibang franchising firms.

Ang bayan ng Santa Maria ay Top 5 naman sa Economic Dynamism dahil nakapagtala ito ng apat na porysento lamang ng populasyon ang mahirap na isa sa pinakamababa sa Pilipinas.

Base sa 2021 Report ng Commission on Audit, umaabot na sa 1.87 bilyong piso ang total assets ng pamahalaang bayan ng Santa Maria na pinakamataas sa anumang bayan sa Bulacan.

Kalakip nito ang naitalang 925 milyong piso na nakolektang buwis noong 2021 na pinakamataas sa kasaysayan ng Santa Maria sa kabila ng pandemya.

Hindi naman naalis sa Top 10 ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan bilang Most Competitive Province sa bansa.

Base sa tala ng Board of Investments, hindi pa natatapos ang taong 2022 pero nakapagtala na ang Bulacan ng 852.59 milyong piso na halaga ng mga bagong pamumuhunan.

Samantala, sinabi ni Gobernador Daniel Fernando na ang pagpasok ng mga bagong pamumuhunan sa Bulacan ay direktang nakakapagbigay ng pakinabang sa karaniwang mga Bulakenyo.

Patunay aniya rito ang pagkakaroon ng 7.4 bilyong piso na badyet ng Kapitolyo para sa taong 2022 na sa ngayo’y pinakamalaki sa kasaysayan ng lalawigan. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here