SAMAL, Bataan – Isang kasalang-bayan na may temang “Together Forever” ang ginanap sa tahimik na bayang ito nitong Martes kung saan 47 pares ng magsing-irog ang nabiyayaan ng libreng kasal.
Nagpalitan ng sumpa ang bawat pares sa harap ni Mayor Alexander Acuzar na matapos ang seremonya ay nagdeklarang legal nang mag-asawa ang mga ito.
“Kung may dumating na matinding pagsubok sa inyong buhay, mag-usap kayo ng masinsinan para masolusyunan ito ng magkasama. Tandaan ninyo, huwag mag-aaway pagdating sa pera,” bilin ni Acuzar sa mga ikinasal.
Ang kasalang-bayan ang kauna-unahan sa termino ni Acuzar bilang punongbayan ng Samal.
Bukod sa kanya-kanyang ninong at ninang ng mga ikinasal, naging pangkalahatang ninong o principal sponsors sina Gov. Jose Enrique Garcia III na kinatawan ni former board member Godofredo Galicia, Hermosa Mayor Jopet Inton, at 1st District board member Tonyboy Roman.
Pinangunahan ni local civil registrar Josefina Cortez ang pag-aayos ng mga dokumento sa kasal.
Dumalo rin sa nasabing kasalan sina Samal Vice-Mayor Ronnie Ortiguerra, mga kasapi ng sangguniang bayan at iba pang opisyal.