Home Headlines Pagsusulong ng 11 building blocks para sa mga katutubo, suportado sa NE

Pagsusulong ng 11 building blocks para sa mga katutubo, suportado sa NE

508
0
SHARE
Ipinanawagan ni National Commission on Indigenous Peoples Acting Regional Director Roman Antonio ang suporta at tulong ng lahat sa pagtataguyod ng mga pangmatagalang programa na makatutulong sa pag-unlad at pagkakaroon ng matatag na pamumuhay ng mga katutubo. (Camille Nagaño/PIA 3)

LUNGSOD NG PALAYAN (PIA) — Naniniwala ang mga katutubo sa Nueva Ecija na unti-unting maisasakatuparan ang 11 building blocks sa tulong at suporta ng lahat.

Ayon kay Nueva Ecija Provincial Indigenous Peoples Mandatory Representative o IPMR Board Member Emmanuel Domingo, sa pamamagitan ng pagtutulungan at pagsuporta ng lahat ng stakeholders mula sa pamahalaan at pribadong tanggapan ay unti-unting mapagtatagumpayan ang pagsusulong ng 11 building blocks sa lalawigan.

Sa katunayan aniya ay mayroon mga isinasagawang programa sa lalawigan na nakapaloob sa nasabing balangkas tulad ang pagsusulong ng pangangailangang pangkabuhayan at edukasyon para sa mga katutubo.

Sa tulong ng mga kagawaran ng gobyerno nasyonal at lokal na pamahalaan ay patuloy ang pamamahagi ng mga binhi ng gulay, fingerlings, at alagaing manok sa mga katutubong pamayanan gayundin ang pagkakaloob ng scholarship para sa mga nag-aaral sa kolehiyo.

Pahayag ni Domingo, magagamit din ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan at kapwa IPMR sa barangay, munisipyo, at siyudad ang 11 building blocks sa pagtukoy ng mga pangmatagalang programa para sa mga nasasakupang komunidad.

Ilan sa mga nakapaloob sa 11 building blocks ang pagkakaroon ng confirmation of Indigenous Political Structure, registration and accreditation of Indigenous Peoples Organization, Certificate of Ancestral Domain Title/ Certificate of Ancestral Land Title Delineation Process, establishment of Ancestral Domain Management Office, Ancestral Domain Sustainable Development and Protection Plan, Community Resource Management Development Plan, effective IPMR in local legislative bodies, Ancestral Domain Defense System at iba pa.

Kaugnay nito ay kaniyang ipinanawagan sa mga ahensiya ng pamahalaang mabigyang pansin ang kahilingan ng mga katutubong mapaunlad at mapatatag ang kanilang komunidad gayundin ay matulungang mapondohan ang delineation process para sa matagal nang inaasam na pagkakaroon ng titulo ng mga lupaing ninuno.

Inaasahan din ng National Commission on Indigenous Peoples o NCIP ang pagtugon at patuloy na pagtulong ng mga kapwa ahensiya ng pamahalaan sa pagpapalakas ng mga katutubong pamayanan.

Ayon kay NCIP Acting Regional Director Roman Antonio, isa lang naman ang hangad ng lahat na makitang maging panatag, magaan ang pamumuhay ng mga katutubo at maging kaagapay ng pamahalaan sa pag-unlad.

Parati aniyang relief program ang tinatanggap na tulong ng mga katutubo kaya ang isinusulong at hangad ng ahensiya ay makitang tumayo sa sariling kakayahan ang sektor sa pamamagitan ng pagtuturo at pagbibigay ng mga pangmatagalang programa na makapagpapabago sa sitwasyon ng kanilang pamumuhay.

Isa din sa tinututukan ng NCIP ang pagpapalakas ng mga lider sa komunidad upang magsilbing boses at representante ng mga katutubong pamayanan sa paglalahad ng kanilang mga pangangailangan.

Laging nakabukas ang tanggapan ng NCIP para sa mga ugnayan at pakikipagtulungan partikular sa pagsusulong ng kapakanan at karapatan ng mga katutubo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here