Home Headlines Aanihing palay sa Bataan dumapa sa bagyo

Aanihing palay sa Bataan dumapa sa bagyo

677
0
SHARE
Dinalaw ni Mayor Alex Acuzar ang mga evacuation center. Kuha ng Samal-PNP

SAMAL, Bataan — Ilang bahagi ng malapit nang anihing palay sa mga bayan ng Samal at Orion ang pinadapa ng hangin at ulang dulot ni Karding hatinggabi ng Linggo.

Masuwerte pa ring masasabi ang mga magsasaka dahil hindi ang kabuuan ng kanilang palay ang dumapa kundi pulo-pulo lamang ngunit tiyak na apektado rin ang kanilang ani dahil sa bugso ng hanging humagupit sa mga palayan.

Sinabi ni provincial agriculturist Joey Dizon na sa initial report, tinatayang P14.6 milyon ang halaga ng pinsalang idinulot ni Karding sa tanim na palay sa lalawigan.

Ayon naman kay Glenzy Diwa ng provincial disaster risk reduction management office, very minimal ang naging epekto ni Karding sa Bataan. Wala umanong reported na casualty sa nagdaang magdamag habang binabaybay ng bagyo ang lalawigan. May mangilan-ngilan, aniyang, binaha ngunit agad namang nag-subside at hindi nagdulot ng matinding pinsala.

Ang mga Bantay Bagyong Karding. Kuha ng Barangay Sta. Lucia LGU.

Sa pinakahuling ulat ng PDRRMO, umabot sa 980 pamilya na binubuo ng 3,648 individual ang lumikas sa itinakdang evacuation center sa Mariveles, Abucay, Pilar, Limay, Orani, Orion, Morong, Samal, Dinalupihan, Hermosa, at Balanga City.

Pagsapit ng tanghali ng Lunes, halos ang naiwan sa evacuation center ay ang mga residente ng Sitio Sunshine, Barangay San Juan sa Samal na ang lalim ng baha ay umabot umano hanggang hita.

“Bahain ang aming lugar at noong madaling-araw ay lumalim ang tubig. Okay naman ang pagkain namin sa evacuation area,” sabi ni Leni Esparas, isa sa mga lumikas sa Samal North Elementary School.

Noong Linggo ng gabi ay inikot ni Mayor Alex Acuzar ang mga evacuation center at flood-prone area sa Samal.

Samantala, magdamag na nagbantay ang mga kawani at opisyal ng Sta. Lucia, Samal sa pangunguna ni punong barangay Hector Forbes na tinawag na “bantay bagyong Karding.” Wala silang tigil sa pagpapaalala sa mga residente sa pamamagitan ng sound system.

Kinabukasan, Lunes, ay namigay sila ng lugaw.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here