JAEN, Nueva Ecija — Dalawang gusaling pang-edukasyon na ipinatayo ng lokal na pamahalaan sa kabuuang halaga na P7.2-milyon ang pinasinayaan sa dalawang paaralan ng bayang ito nitong Huwebes.
Ayon kay Mayor Sylvia Austria, magkasunod na pinasinayaan ang P4.2-million school district office ng Department of Education sa Jaen Central School at ang P3-million Mayor Santiago R. Austria Memorial Library and Multi-Purpose Building sa San Josef Elementary School.
Sa multi-purpose building rin matatagpuan ang Alternative Learning System office na, ayon sa punongbayan, “ay naglalayong magkaroon ng maayos na tanggapan ang school district supervisor, mga panauhing punong guro at ang mga mag-aaral ng ALS."
Ang pondo ay bahagi ng Special Education Fund (SEF) ng Bayan ng Jaen, dagdag niya.
Ibinahagi naman ni Vice Mayor Atty. Sylvester Austria na nakumpleto ang silid-aklatan sa pakikipagtulungan ng San Beda University, partikular ng Community Engagement Center, na nagkaloob ng mga upuan, mesa, at bookshelves.
Si VM Austria ay personal na dumulog sa pamunuan ng San Beda bilang graduate ng Bachelor of Science in Nursing at Bachelor of of Laws sa nasabing pamantasan.
"Ang Office of the Vice Mayor ng Bayan ng Jaen ay taos-pusong nagpapasalamat sa Order of St. Benedict at San Beda University sa pangunguna ng Rector-President nito na si Rev. Fr. Aloysius Maranan, VP for administration Rev. Fr. Placid Acta, at VP for finance Rev. Fr. Rembert Tumbali," anang bise alkalde. Nagpahayag ng kahandaan sa patuloy na pagtulong ang mga nabanggit na opisyal ng San Beda, kabilang si Community Engagement Center director Norielyn Tabag.
May kabuuang 2,100 na aklat na nagkakahalaga ng P1,350,000 ang donasyon ng Rex Book Store sa pangunguna ni Atty. Dominador Buhain, presidente ng San Beda Alumni Assn.
Kabilang sa mga dumalo sa pasinaya ang mga opisyal ng DepEd schools division office, sangguniang bayan education committee chair konsehal Josie Angeles, mga Benedictine monks mula sa San Beda University, mga opisyal ng Jaen South District na pinangungunahan ni Dr. Arnold D. De Castro, gayun din ang mga kawani ng pamahalaang bayan ng Jaen.