SAN MIGUEL, Bulacan — Sabay-sabay na tumigil sa pagbyahe ang nasa 6,000 miyembro ng Bulakan Truckers Group simula nitong Biernes bilang protesta sa anilay hindi patas na implementasyon ng Department of Public Works and Highways sa Anti-Overloading Law.
Nagtipon-tipon sa gilid ng Maharlika Highway sa bahagi ng bayang ito ang mga truck drivers, pahinante, at operators bitbit ang mga placards para iparating sa DPWH ang kanilang pagkadismaya sa implementasyon ng batas.
Anila, hindi na sila makabyahe ng normal dahil sa walang humpay na paghuli sa kanilang mga truck na may kargang aggregates at buhangin dahil lagpas daw ang mga ito sa timbang na itinatakda ng batas.
Reklamo nila na sumusunod naman sila sa itinakdang timbang na nakasaad sa RA 8794 ngunit tila sila lang daw ang hinuhuli at hindi ang iba pang hauler-trucks na may kargang bigas, gulay, at iba pang produkto na nanggagaling ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, at Nueva Ecija.
Panawagan ng Bulakan truckers na makipag-pulong sa kanila ang DPWH upang pag-usapan ang kanilang hinaing dahil iniinda na ng mga truckers ang dagdag 120-km. sa pagbabago nila ng ruta makarating lang ng Metro Manila.
Ang dati anilang nasa dalawa o tatlong byahe ng kanilang truck kada araw ay nakakaisang byahe na lang sila ngayon kada tatlong araw dahil sa haba ng dagdag kilometro sa ruta at dagdag gastos sa gitna ng mataas na presyo ng petrolyo. Dahil dito ay nagtataas na rin sila ng presyo ng buhangin at aggregates dahil sa dagdag gastusin sa hirap ng pagbyahe.
Hindi pa matukoy sa ngayon ng grupo kung hanggang kailan sila titigil sa pagbyahe hanggat hindi nila nakaka-dayologo hinggil dito ang DPWH.
Samantala, sinisikap pa ng Punto! na makuha ang panig ng DPWH hinggil sa reklamo na ito ng mga truckers.