LUNGSOD NG CABANATUAN — Muling nagpakitang-gilas ang 17-anyos na
estudyante mula sa lungsod na ito nang dominahin ang Kyorugi/Sparring under 49
kgs (flyweight) Women's Senior Blackbelts Category sa katatapos na 45th National
Taekwondo Championship na ginanap sa Ayala Malls Bay sa Lungsod ng Maynila
kamakailan.
Iniuwi ni Sharifa Vianca Espino Dela Cruz, Grade 12-Humanities and Social
Sciences Strand student ng Nazareth School of National University ang gintong
medalya sa event nitong Sept. 4 na kauna-unahang face-to-face Kyorugi/Sparring
Tournament ng Philippine Taekwondo Association, na isang Olympic Sports,
simula nang maganap ang pandemya.
Ayon kay Dela Cruz, best of three ang bagong format ng torneo na kanyang
dinomina laban sa dalawang pambato ng University of Sto. Tomas at national
team members na kapwa multi-medalist ng Palarong Pambansa at international
tournaments na sina Mary Angeline Alcantara sa score na 2-0 at si Abigail Faye
Valdez sa score 2-1 sa gold at silver medal match ayon sa pagkakasunod.
Kabilang sa mga nakasagupa ni Dela Cruz sina Xarish Ycee Dela Cruz ng UP-Diliman
sa quarterfinal (2-0); Andrea Mae Carranza ng RTA Gym (2-0) at Mikaela Sese ng
UP- Diliman Score (2-0) sa elimination round. 2-0.
Si Dela Cruz din ang nagreyna sa under 46 kgs (pinweight) Sparring Womens
Senior Blackbelts Category sa 2020 Carlos Palanca Jr National Taekwondo
Championship noong February 2020 sa edad na 15 anyos, ang huling Sparring
tournament bago ang pandemya.
Ang dalawang national taekwondo tournament na ito ang inaabangan ng libo-
libong taekwondo practitioners sa buong bansa taon-taon kung saan ang mga
kalahok dito ang mga pambato ng ibat ibang gym sa buong bansa, mga varsity
mula sa UAAP at NCAA, PNP, AFP at mga RP taekwondo team members, ayon sa
pahayag ng kanyang team.
Produkto ng Grassroot Program ng Philippine Sports Commission, si Dela Cruz
ay nagkamit ng dalawang gintong medalya sa dalawang sunod na taon mula 2017
at 2018 sa Batang Pinoy National Taekwondo Championship.
Si Dela Cruz ay member ng 2018 National Cadet Team, 2019 Junior RP Team at
kasalukuyang member ng RP Senior Women Taekwondo Team.
Nakapag-uwi din siya ng gintong medalya noong 2019 ASEAN Taekwondo
Championship sa MOA Arena at silver medal sa 2019 Asian Junior Kyorugi
Taekwondo Championship sa Amman, Jordan.
Muling dinala ni Dela Cruz ang bandila ng Pilipinas ay sa akaraang 31st Southeast
Asian Games sa Hanoi, Vietnam noong Mayo at sa 2022 Asian Taekwondo
Championship sa bansang Korea noong Hulyo.
Patuloy ang ginagawang pag eensayo ni Sharifa para sa mga darating ng
kompetisyon sa pangangalaga ng dalawang pinakamagagaling na national team
coaches na sina Carlos Padilla ng National University at Paul Romero ng Far
Eastern University.