Home Headlines Sekyu timbog sa pagpatay sa VP ng security agency

Sekyu timbog sa pagpatay sa VP ng security agency

712
0
SHARE

LUNGSOD NG GAPAN — Arestado ang isang dating pulis na namasukang security guard matapos pagbabarilin at mapatay ang bise presidente ng security agency na dati niyang pinasukan.

Nasugatan din ang kaanak ng biktima sa insidenteng naganap sa Barangay San Nicolas ng lungsod na ito nitong Linggo.

Kinilala ni Lt. Col. Alexie Desamito, hepe ng city police, ang nasakoteng suspek na si Ferdinand Pareja ng Barangay Sto. Cristo ng lungsod ding ito.

Si Pareja ay nadakip sa follow-up operation pasado alas-5 ng hapon nitong Linggo nang matukoy di-umano na siya ang responsable sa pagpatay kay Lilia Cabiedes, bise presidente ng TekForce Security Agency at pagkasugat ng kaanak nito na si Mark Gabriel, encoder, kapwa residente ng Franco Subdivision, Poblacion, San Isidro, Nueva Ecija.

Sa imbestigasyon, sakay ng electric bike ang mga biktima nang pagbabarilin ng suspek. Idineklara na wala nang buhay nang idating sa ospital si Cabiedes samantalang ginagamot ngayon ang kanyang kasama.

Lumalabas sa imbestigasyon, ayon kay Desamito, na alitan sa trabaho ang ugat ng krimen.

Nahaharap ngayon sa mga kasong murder at frustrated murder si Pareja na nakaditine sa custodial facility ng lokal na pulisya, base sa ulat mg pulisya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here