Home Headlines ‘Crimes against person and property’ tumitindi

‘Crimes against person and property’ tumitindi

467
0
SHARE

Maihalintulad sa matinding hamon
kay FRM, Jr. ang paglobo nitong
kidnapping, na kahit kalahating milyon
ang dumukot hindi humingi ng ransom.

Kundi matapos ang dalawang araw lang
‘by chance’ ang biktima ay matatagpuang
patay sa masukal at liblib na lugar,
gawa ng kung ano r’yang nakagigimbal.

Kung ito’y babae tiyak ginahasa
ng tumangay bago n’yan isinagawa
ang pagpatay sa kanyang winalanghiya,
para maitago sa mata ng madla.

May mga kinidnap din namang lalaki
‘in public’ at itong pinapatay pati
ang biktima nila isa sa matindi
na grabeng krimen na ating masasabi.

Na kagaya riyan ng nagpunta sa Sabong
na aywan kung ilang beses nangyari ‘yon,
nang papa-alis na, matapos magsabong –
hinarang at yan ay ‘missing’ hanggang ngayon.

Dahil sa nanalo ng malaking pera
ay harap-harapang sila’y hinoldap ba?
O nang diumano ay nandaya sila
kung kaya dinukot upang ya’y isuka?

Anumang posible r’yang kadahilanan
iyan ay tanda nang sa kasalukuyan
ang ‘peace & order’ sa ating Inangbayan
ay tubog sa tanso’t di mapanaligan.

Kung saan masahol pa r’yan sa epekto
ng bawal na droga sa panahong ito
ang pag-iisip ng ibang sa gobyerno
pinalad mabigyan ng magandang puesto.

Gaya nang sa Custom, na sinuman yata
ang ‘i-assign’ ng Punong-tagapamahala,
itong patuloy na pagpasok sa bansa
ng kontrabando ay hindi masansala?

Aba’y tambak pala tayo ng asukal,
na ‘thousands metric of tons’ pala, kabayan
itong patago na ipinasok diyan
ng kung sino bakit ngayon lang sumingaw?

Plantsado na itong pag-angkat ng bagong
idinistino riyan ni Pangulong Bongbong
sa SRA, at kung saan dahil doon
si Serafica ay pinagbitiw tuloy?

Kasi, nang dahil sa ni walang paalam
yata o pasabi d’yan sa Malacañan,
nagpropasa itong umorder ba naman
ng kung ilang libong metrikong asukal?

Di kaya higit na mas makabubuti
ang kumpiskahin na ng gobyerno kasi
ultimong sandakot na takal n’yan pati
na ‘undeclared’ upang ang ‘hoarder’ magsisi!

At alamin pati kung sinong Pilato
ang sa Bureau of Customs nagpalusot nito,
kung saan sa tantya natin di siguro
lalayo sa ilang mataas na tao?

(Bilin: Kaingatan sa ating sarili
partikular na r’yan sa mga babae;
bawasan ang paglabas-labas sa gabi
nang di mapahamak sa mga salbahe!)~

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here