Home Headlines Tiwala ng katiwala

Tiwala ng katiwala

521
0
SHARE

PAGKUHANAN NATIN ng inspirasyon ang depinisyon ng pananampalataya sa
pinaka-unang linya ng ating 2nd reading mula sa Heb 11:1, “Ang
pananampalataya ay katuparan ng pinangangarap at katibayan para sa mga hindi
pa nakikita.” Iuugnay natin ito sa tema ng pagiging MABUTING KATIWALA (good
stewardship) na siya namang tema ng ating ebanghelyo.

Si Abraham ang ginawang huwaran ng ating second reading—dahil nagtiwala daw
siya sa pangako ng Diyos—kaya iniwan niya ang bayang tinubuan at nanirahan
bilang dayuhan sa ibang bayan. Nagtiwala din siya na magkakaanak pa siya sa
katandaan, dahil pinangako din ito ng Diyos sa kanya. At hindi niya pinagkait na
ialay ang anak niyang si Isaac, dahil din sa tiwala sa pangako ng Diyos!

Sa ebanghelyo, sabi ni Hesus, “Ikinatutuwa ng Ama na ipagkatiwala sa inyo ang
kaharian.” Ibig sabihin, ang Ama ang magtatayo sa kaharian niya, hindi tayo. Pero
kasama tayong magbibigay katuparan sa planong ito kung handa tayong
makipagtrabaho sa kanya bilang mabuti at matapat na katiwala.”

Itong dalawang puntong ito ang pagtutuunan natin ng pagninilay: ang
panampalataya bilang “katuparan ng pinangangarap” at “Katibayan para sa mga
bagay na hindi pa nakikita.”

Ganyan naman talaga ang kinabukasan para sa tao, di ba? Laging nagsisimula sa
isang layunin, isang pangarap. Para bang pinasisilip ng Diyos sa atin sa
kasalukuyan ang hinaharap sa pamamagitan ng ating mga pangarap. Nangyayari
ito lalo na sa ating pananalangin. Di ba sa ating pagdarasal, kahit mayroon tayong
mga kahilingan, hinihiling pa rin natin na ang mga pangarap natin ay maayon sa
kalooban niya para sa atin? Na sana’y ipaunawa niya sa atin ang plano niya para
sa atin dahil nananalig tayo sa kanya. Pero kung minsan nakakalimutan natin na
nananalig din siya sa atin.

Hindi naman mangyayari ang katuparan ng ating mga pangarap na para bang
basta na lang mahuhulog mula sa langit. Sa Pilipino sinasabi natin, “Wala kang
aanihin kung wala kang itinanim.” Ang batayan para sa aanihin natin sa hinaharap
ay ang itinatanim natin sa kasalukuyan. Wala tayong aanihin bukas kapag hindi
natin inalagaan ang itinanim na niya sa kasalukuyan. Kaya nga sa Ingles may
salitang POTENTIAL. Ibig sabihin, hindi pa nangyayari ngayon pero pwedeng
pangyarihin.

Isipin ninyo ang maraming mga bagay na nagkatotoo na ngayong kasalukuyan
pero pangarap lang ito noong nakaraan. Pag natupad, tinatawag natin ito sa Ingles
na “answered prayers” or “wishes granted.” Halimbawa: pumasa sa board exam
at ngayo’y isa nang duktor, o nangarap na magkabahay at ngayo’y nariyan na’t
titirhan mo na. Hindi naman basta nahulog mula sa langit, di ba? Magandang
balik-tanawin ang mga pinagdaanan na humantong sa katuparan ng isang
pangarap.

Madalas kasi akala natin ang pagiging mabuting katiwala (o konsepto ng
stewardship) ay tungkol lamang sa mga materyal na bagay na nasa ating
pangangalaga. Kasama din pala sa ang pangangalaga sa mga layunin, mga
pangarap at panaginip. Mga bagay wala pa ngayon pero nasa anyo ng mga
hangarin sa atin isip.

May isang kantang Espanyol na isinulat si Victor Jara na Tinagalog ng aking hipag
na si Karina David at ang pamagat ay INIISIP KA. Sa una aakalain mo na isang
simpleng romantikong awit ito. Hindi pala. Ang iniisip niya ay hindi lang ang
minamahal kundi pati na ang mga pangarap na binubuo kasama ng kanyang
minamahal.

Sabi niya: “Pag-uwi sa tahanan, iniisip ka, at hinahabi natin ang ating mga mga
panaginip… Iniisip ka, mahal, iniisip ka. Ikaw kasama ng buhay at hinaharap, sa
matamis na sandali ng ligaya at pakikibaka, sa simula ng kasaysayang di batid ang
katapusan.”

Totoo ang sabi ni San Pablo. Ang pananampalataya ay may kinalaman hindi lang
sa katuparan ng mga pinangangarap natin. May kinalaman din ito sa “katibayan
para sa mga bagay na hindi pa natin nakikita sa kasalukuyan” (evidence of things
not yet seen).

Marami sa ating mga pangarap ang mananatiling hindi totoo o parang pantasya
lamang kung walang batayan sa kasalukuyan. Kaya napakahalaga ng pagkilala sa
grasya ng Diyos o mga biyayang pinagkaloob na sa atin sa kasalukuyan.
Hindi naman nagsisimula sa wala ang pagbubuo ng mga plano. Kahit na sinong
arkitekto, aalamin muna niya ang lokasyon at sukat ng lotemg pagtatayuan, ang
budget ng nagpapatayo, ang mga materyales na meron na at hindi na bibilhin,
bago siya guguhit ng plano. Ganyan din ang Diyos sa tuluyan niyang paglikha at
pagliligtas sa daigdig at sangkatauhan. Gumagaya lang tayo sa kanya dahil ginawa
niya tayong kawangis niya.

Kaya nagsisimula tayo sa kung ano ang mayroon na tayo ngayon na pwede pang
pagyamanin, paunlarin at pwedeng maging daan ng mas higit pang mga
posibilidad. Kaya ang mabuting katiwala ay hindi naghahanap ng wala. Kinikilala

muna niya ang meron na ngayon at ipinagpapasalamat. Di ba ganoon ang ginawa
ni Hesus nang pakainin ang limanglibo katao? Sa mga alagad parang imposible,
kaya ang suggestion nila, pauwiin na lang ang mga tao dahil hindi naman daw
sapat ang dala nilang limang tinapay at dalawang isda. Ano ang ginawa ni Hesus,
kinuha niya ang meron sila, ipinagpasalamat, hinati at ibinigay. At ang sumunod
na parang imposible ay naging posible, kumain ang lahat at sumobra pa.

Kaya nga di ba, may kuwento rin si Hesus tungkol sa tatlong taong
pinagkatiwalaan ng iba’t-ibang sukat ng ginto? Ano ang ginawa ng pangatlo?
Imbes na gamitin niya ang ginto, ibinaon daw niya at isinoli sa amo na walang
labis, walang kulang. Bakit siya napagalitan kung hindi naman nawala ang ginto?

Kasi pinagtiwalaan siya ng amo, pero sinira niya ang tiwalang ito. Pinangunahan
siya ng takot at kawalan ng tiwala sa sarili.

Kaya siguro KATIWALA ang translation natin sa Tagalog sa salitang Ingles na
stewardship. Hindi lang ito tungkol sa tiwala ng tao sa Diyos. Higit sa lahat ito’y
tungkol din sa tiwala ng Diyos sa atin na makiisa sa pagtupad sa mga pangarap
niya para sa atin, mga pangarap na itinatanim niya sa ating mga puso at isip.

(Homiliya Para sa Ika-19 na Linggo ng Karaniwang Panahon, Ika-7 ng Agosto
2022, Lk 12:32-48)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here