Home Headlines 26 Negosyo Center sa Bulacan, umagapay sa 22,345 negosyo

26 Negosyo Center sa Bulacan, umagapay sa 22,345 negosyo

610
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS — Umabot sa 22,345 na iba’t ibang uri ng mga negosyo sa
Bulacan ang naagapayan ng 26 Negosyo Center sa unang semestre ng 2022.
Ayon kay Department of Trade and Industry provincial director Edna Dizon,
pinakamarami sa kanila ang 8,065 na naiproseso ang pagkakaroon ng mga
business names.

Nasa 5,480 naman na dati nang mga micro, small and medium enterprises o
MSMEs ang natulungan gaya ng renewal ng business names, pagbibigay ng
kasanayan sa marketing, branding, packaging at maging sa kung paano
makakapagpa-abruba ng aplikasyon sa mga loan at grant programs.
Pinakamarami sa kanila ay naitala sa mga lungsod ng San Jose Del Monte,
Malolos, at Meycauayan at sa bayan ng Baliwag.

Tumulong din ang mga Negosyo Center upang matagumpay na makapasok sa mga
E-Commerce platforms gaya ng Lazada at Shopee ang may 2,441 na mga MSMEs.
Maging ang mga maliliit na naghahanap-buhay sa mga barangay ay naalalayan ng
mga Negosyo Centers, kung saan 330 ang nairehistro sa Barangay Micro Business
Enterprises.

Iba pa riyan ang 70 napagkalooban ng tig-P13,000 puhunan sa ilalim ng Livelihood
Seeding Program, para makapagbukas ng mga sari-sari store, bigasan, barbeque
stand at iba pang gaya nito sa 14 na pinakamahihirap na barangay sa Bulacan.
Para naman sa 25 na mga Bulakenyong exporters na natulungang makabangon ng
Negosyo Center, sila ang mga nasa sektor ng tannery, jewelry, pyrotechnics at
agribusiness. Mayroon ding mga establisemento na nasa sektor ng turismo ang
tinulungang muling makapagbukas.

Ipinaliwanag ni Dizon na bukod sa muling pagbabalik na makapasok sa merkado,
isang malaking hamon ngayon sa mga exporters ang pagkukuhanan ng mga raw
materials kaya’t dito umaalalay ang mga Negosyo Centers sa pamamagitan ng
DTI.

Pitong mamumuhunan naman ang inagapayan ng mga Negosyo Centers upang
maaprubahan ng Board of Investments.

Kaugnay nito, nasa 5,997 na mga potensiyal na mga bagong MSMEs ang
iprinoproseso ng mga Negosyo Centers sa buong lalawigan upang ganap na
mabuksan at magkaroon ng business names.

Samantala ayon pa kay Dizon, nirerepaso na ng DTI at ng pamahalaang lungsod ng
Malolos ang pagkakaroon ng sariling Negosyo Center sa bago nitong city hall.

Magiging karagdagan ito sa tatlong Negosyo Center sites sa Malolos na nasa DTI-
Bulacan Provincial Office, sa opisina ng Bulacan Chamber of Commerce and
Industry sa Hiyas ng Bulacan Convention Center, at sa Lingkod Pinoy Center sa
Robinson’s Place Malolos.

Mayroong tig-iisang Negosyo Center sa dalawa pang lungsod at 21 mga bayan sa
Bulacan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here