LUNGSOD NG CABANATUAN — Pormal nang nasampahan ng kasong kriminal
matapos maaresto ang isa sa dalawang lalaki na di-umano’y nangholdap at
nakatangay ng P8-milyong halaga ng cash, mga alahas at iba pang gamit sa isang
dermatology clinic sa Barangay H. Concepcion dito kamakailan.
Sinabi nitong Huwebes ni Lt. Col. Carl Omar Fiel, hepe ng Cabanatuan City police
Station, na nasakote ang suspek na si Raymond Yabillo, 30, sa Barangay Sta. Rita,
Sto. Domingo, Nueva Ecija noong July 31.
Nagsanib-puwersa ang CCPS, Sto. Domingo police at provincial intelligence unit na
nagresulta sa pagkatunton sa suspek, ayon kay Fiel.
Patuloy namang pinaghahanap ng mga operatiba ang kasabwat nito, dagdag ng
opisyal.
Sa imbestigasyon, nagpanggap and mga suspek na mga pasyente nang pumasok
sa Alonzo’s Dermatology Clinic na nasa JRS Bldg., Maharlika Highway, Barangay H.
Concepcion.
“Yung isa po ang ginawa ay kinausap muna ‘yung receptionist habang ‘yung isa
naman po ay nagpaalam para gumamit ng comfort room pero ang ginawa po ay
nagmanman kung sino po ang nasa loob ng clinic na ito,” ani Fiel.
Hindi nagtagal at nagdeklara umano ng holdap ang mga suspect at tinangay ang
mga cash kasama ang mga alahas na nasa bag ng may-ari ng klinika.
Ayon kay Fiel, positibong kinilala ng mga biktima ang naarestong suspek na
ngayon ay nakapiit sa kanilang custodial facility.