Home Headlines Para makatipid, magbawas ng tao

Para makatipid, magbawas ng tao

529
0
SHARE

KUNG ninanais ni pangulong BBM
na mabawasan n’yan ang mga bayarin
ng pamahalaan, gaya ng gastusin
sa pasahod, saka iba pang gugulin.

Magbawas ng tao gaya ng magtanggal
ng mga kawani, gaya r’yan ng ‘casual,’
kaya lang marami ang tiyak aangal
kapagka ito ang ginawa niyang hakbang!

Marami ang tiyak na magrerebelde
at magagalit sa ating presidente;
di simpleng bagay ang ganitong diskarte
na basta mag- ‘lay off’ ng mga ‘employee’.

Ikaw man bang ito ang basta tanggalin
sa trabaho nang ni kahit na katiting
na ginawang mali, ano ang maaring
maisip kundi ang magwala marahil?

Aba’y malamang na maghuramentado
ang isang gaya r’yan natin, kabayan ko
kung ganyan ang gawin ng ating gobyerno
lalo sa matapat naman sa serbisyo.

Di lingid sa atin mas nakararami
itong sa gobyerno ay ubod ng dami
ang sa iba’t-ibang ‘government agency’
lalo na ang ‘casual’ at ang J.O. pati

Maliban pa r’yan sa iba pang tanggapan,
gaya sa ‘city hall,’ mga municipal
mayors, pati na rin mga Sangguniang
Panlalawigan at saka ng Pambayan;

Lahat ng mga ‘yan mayrung kani-kaniya
silang ‘office staff’ at anu-ano pa;
tulad nitong walang pirming opisina,
nand’yan ang dapat na ipahinga muna.

At saka nga pala itong naka- ‘pay roll’
sa opis ng ilang butihing Senador,
Kongresista, na ang ‘office staff’ nitong
iba riyan bawasan muna nila ngayon.

Down to the grass roots’ at kung saan marami
ang mga Kapitan at Kagawad pati,
itong ni sa ‘Session’ n’yan ay absent parati
pagtatanggalin na’t gobyerno ang lugi.

Eh, bakit nga hindi ang pamahalaan
ang talo palagi kung sobra ang bilang
ng mga di dapat sa ‘payroll,’ kanilang
isama at maging pasanin ng bayan?

Kaya kung tunay nga na si Usec. Diño
ng DILG ay magpatupad ito
nang kahit man ay singkwenta porsyento
ng mga dapat na ipairal nito,

Laban sa maraming ang dapat gampanan
ng buong puso sa kanilang barangay,
higit ang bilang ng araw ng sahod lang
present si Kap at mga Kagawad niyan.

Kaya para makatipid ang gobyerno
ng pasahod saka iba pang perwisyo,
palitan na riyan ang ayaw magtrabaho
at ang isalpak ay yaong makatao.

Gawing tatlo na lang ang mga Kagawad
para makatipid itong Pilipinas,
sa sinusuelduan n’yan na walang tiyak
na gampanin kundi magpalipas oras!!!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here