GUIGUINTO, Bulacan – Nahuli na ng mga residente ng Barangay Malis ang
buwayang pinagkakatakutan ng mga residente dahil namamahay ito sa kanilang
ilog.
Nitong Linggo ng hapon ay nasukol ng mga residente ang buwaya sa palayan ng
Sitio Tabon at pinagtulong-tulungan ito na mahuli.
Ayon kay Dr. Roel Dela Cruz, OIC municipal agriculturist, agad nilang
nirespondehan ang lugar matapos na makatanggap ng impormasyon na nahuli na
nga ang nasabing buwaya.
Ang buwaya ay iginapos upang hindi makakagat at inilagay sa strecher na dinala
sa municipal dog pound hanggang sa mailipat na ito sa pangangalaga ng
Department of Environment and Natural Resources.
Nilagyan din ng microchip ang buwaya na may habang anim na talampakan at
may bigat na 19 kilo at sa pagsusuri ay isa itong female crocodile.
Bagamat nahuli na ang naturang buwaya ay patuloy pa rin ang imbestigasyon
kung paano ito napunta sa ilog ng Guiguinto.