Home Headlines Tagumpay ng Bulacan sa pagbangon mula sa pandemya, inilahad

Tagumpay ng Bulacan sa pagbangon mula sa pandemya, inilahad

519
0
SHARE
Nag-ulat si Gobernador Daniel R. Fernando ng mga naging tagumpay ng Bulacan partikular na ang pagbangon ng ekonomiya nito sa gitna ng pandemya, sa ginanap na Pasinayang Sesyon ng Sangguniang Panlalawigan. (Provincial Public Affairs Office)

LUNGSOD NG MALOLOS – Inilahad ng pamahalaang panlalawigan ang mga matatagumpay na hakbang nito upang ganap na maibangon ang ekonomiya ng Bulacan sa gitna ng pandemya.

Sa kanyang Ulat sa Lalawigan sa pagbubukas ng sesyon ng Sangguniang Panlalawigan, sinabi ni Gobernador Daniel Fernando na nasa 38.5 bilyong piso ang karagdagang pamumuhunan na pumasok sa Bulacan mula sa kalagitnaan ng 2019 hanggang Disyembre 2021 na lumikha ng nasa sambung libong trabaho.

Iba pa rito ang matagumpay na pagdadaos ng mga face-to-face at virtual jobs fair kada dalawang buwan na nagbukas ng mga oportunidad lalo na sa mga bagong graduates.

Naibalik na rin sa 100 porsyento ang mga operasyon ng mga tourism establishments sa Bulacan.

Sa panahon na pansamantalang isinara ang nasabing mga establisemento, umabot sa 83 milyong piso ang halaga ng ayuda na naipagkaloob sa mga 16,756 na manggagawa na nasa industriya ng turismo.

Ayon pa kay Fernando, ang pagpasok ng mga bagong pamumuhunan at muling pagbubukas ng turismo ay nagbigay-daan upang tumaas ang koleksiyon ng buwis.

Ito ang nagbunsod sa pagsampa sa pitong bilyong piso na lebel ang Provincial Budget ng Kapitolyo sa nakalipas na tatlong taon mula sa dating nasa limang bilyong piso.

Kaya’t nabigyan ng katiyakan na mapondohan ang mga proyekto at programa ng Kapitolyo kahit may pandemya.

Halimbawa na rito ang 102 na mga gusaling pampaaralan o katumbas ng 431 na mga silid-aralan, na naipagawa ng Kapitolyo mula 2019 hanggang kalagitnaan ng 2022 na nagkakahalaga ng 711 milyong piso.

Kalakip nito ang pagkakaloob ng tulong pinansiyal sa may 25,479 na mga mag-aaral na umaabot sa halagang 143.5 milyong piso.

Mayroon ding 297 na mga proyektong pang-imprastraktura na kinapapalooban ng pagpapasemento ng mga kalsada sa mga barangay, rehabilitasyon ng mga provincial roads at upgrading ng mga drainage systems.

Isa sa mga malalaking provincial road rehabilitation projects ang Guiguinto-Bulakan Road at Balagtas-Pandi Road.

Nang tumama ang pandemya, naging flagship infrastructure project ng Kapitolyo ang Bulacan Molecular Diagnostic Laboratory na naipatayo sa loob lamang ng isang buwan noong Abril 2020.

Gayundin ang pagbubukas ng Bulacan Infectious Control Center na nasa loob ng Bulacan Medical Center compound sa Malolos, na nagsilbing ekslusibong pasilidad para sa mga pasyenteng may severe COVID-19.

Ipinagmalaki pa ni Fernando na isa ang Bulacan sa mga unang lalawigan na nakatamo ng heard immunity noong Abril 2022.

Nakapagtala ng 2.2 milyong mga Bulakenyo mula sa 3.3 milyong populasyon nito ang fully vaccinated na.

Aabot sa 5.2 milyong dosis ng bakuna laban sa COVID-19 ang naiturok sa nasabing mga bakunadong Bulakenyo.

Sa aspeto ng pagkalinga sa mga Bulakenyo sa kasagsagan ng mga mahihigpit na community quarantines noong 2020, nakapagpamahagi ng dalawang milyong food packs ang Kapitolyo. Ito ang pinakamalaking operasyon ng Provincial Social Welfare and Development Office sa alinmang kalamidad o krisis.

Iba pa rito ang sari-saring tulong pinansiyal at pangkabuhayan sa may 9,850 na pamilyang naging biktima ng iba’t ibang sakuna at kalamidad mula 2019 hanggang 2021.

Sa agrikultura, prayoridad ngayong taon na mabuksan ang bagong tayo na Farmers and Fisherfolks Training Center na nasa bakuran ng Kapitolyo sa Malolos.

Kakambal nito ang pagsasakatuparan sa pagtatayo ng isang Food Productivity and Multiplier Center sa bayan ng Donya Remedios Trinidad.

Ito ang magsisilbing sariling pasilidad ng Kapitolyo para sa produksiyon ng pagkain na hindi na kailangang bumili pa sakaling kailanganin sa panahon ng krisis.

Kaugnay nito, ipinahayag ng gobernador na bukod sa mga tagumpay na natamo ng mga pangunahing sektor sa Bulacan, magsisilbi ring pundasyon sa lalo pang pag-unlad sa susunod na mga taon ang pagiging Top 8 sa provincial category ng Cities and Municipalities Competitiveness Index noong 2021.

Samantala, tiniyak naman ni Bise Gobernador Alexis Castro na una sa mga pagbabagong magaganap sa Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan ay ang pagiging nasa tamang oras ang mga sesyon.

Hindi na rin aniya aabutin ng hating-gabi, madaling araw o uumagahin ang mga pagdinig ng sangguniang panlalawigan. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here