ANG LINYA tungkol sa pag-akyat ni Kristo sa langit ay isang importanteng detalye ng pananampalataya na ipinahahayag natin linggo-linggo sa Misa, sa tuwing binibigkas natin ang Kredo o ang tinatawag na “Apostles’ Creed” sa Ingles. Ito ang pananampalatayang namana pa natin sa mga apostol.
At ang laging kasunod ng linyang “Umakyat siya sa Langit” ay “Naluluklok siya sa kanan ng Ama.” Iisa lang naman ang kahulugan ng dalawa. Mukhang kay San Lukas nanggaling ang linyang “Umakyat siya sa langit,” (Lk 24:51; Acts 1:9) at kay San Pablo naman sa ating ikalawang pagbasa ang linyang “naluluklok sa kanan ng Ama” (Eph 1:20), na galing naman sa Salmo 110:1.
Sa salitang Kapampangan, ang PAGLUKLOK at PAG-UPO ay pareho lang: “Luklok ka” (Maupo ka.) Pero sa Tagalog, ang PAGLUKLOK ay hindi lang ordinaryong pag-upo. May kinalaman ito sa pagkakapuwesto sa isang posisyon ng mataas na dangal at kapangyarihan. Mas malapit ito sa salitang “enthronement” sa Ingles. Mga tipong hari o matataas na opisyales ng gubyerno ang “INILULUKLOK”.
Kaya masagwang pakinggan na parang si Hesus baga ay basta na lang umakyat at lumuklok sa kanan ng Ama. Hindi ba, isa sa mga itinuro ni Hesus sa kanyang mga alagad ay kapag dumalo daw sila sa mga handaan, huwag daw silang basta-basta uupo sa luklukan ng mga panauhing pandangal? (Adelantado o presumido ang tawag natin sa ganoon. Mapapahiya ka, aniya, kapag sinabihan ka ng maybahay, “Hindi diyan ang lugar mo.”)
Sa Tagalog may tawag tayo sa mga taong nag-aangat ng sarili sa lipunan: “nagtataas ng sariling bangko.” Kaya parang pakiramdam ko, mayroong hindi gaanong tama sa linyang binibigkas natin sa Kredo. Hindi naman sinabi ni San Lukas na “UMAKYAT sa langit si Hesus.” “INIAKYAT siya.” Hindi rin sinabi ni San Pablo na “LUMUKLOK siya sa kanan ng Ama.” Hindi niya itinaas o iniluklok ang sarili niya. “INILUKLOK siya ng Ama.”
Hindi nga ba’t napagsabihan pa nga ang magkapatid na Santiago at Juan nang minsa’y nag-ambisyon sila na “maluklok sa kanan at kaliwa ni Hesus” pagdating daw niya sa kanyang kaharian? Kapangyarihan pala ang hinihingi nila. Sa ating ebanghelyo, hindi ito hinihingi ni Kristo, kusang ibinibigay sa kanya ng Ama. Kaya sinabi niya kina Santiago at Juan, “Hindi ako, kundi ang Ama ang masusunod sa kung sino ba ang dapat maupo sa kaliwa o kanan niya” (Mk 10:40).
Narito ang pinakamahalagang punto tungkol sa kahulugan ng ipinagdiriwang nating kapistahan ngayon: “Walang umakyat sa langit maliban sa bumaba mula sa langit.” Ito rin ang sinabi ni Hesus kay Nicodemo sa Juan 3:13. At ang tinutukoy ni San Juan ay ang Anak ng Diyos na nagpakumbaba at naging Anak ng Tao. Dahil sa pagpapakumbaba ng Anak ng Diyos, naiangat ang dangal ng ating pagkatao. Dati kasi ay napakababa ng ating pagtingin sa ating pagkatao: marupok, makasalanan, palpak, dahil kay Adan. Kay Hesus meron na tayong bagong huwaran o modelo ng pagkatao na ayon sa orihinal na plano ng Diyos: taong mataas ang dangal—dahil kalarawan ng Diyos.
Kaya si Hesus ang para bang pinaka-bisagra ng kasaysayan (turning point of history). Binago niya ang kuwento ng tao mula nang niyakap niya ang ating pagkatao. Kaya siguro para sa ating mga Kristiyano, ang bawat taón mula nang nakapiling natin si Kristo dito sa mundo ay tinatawag na ANNO DOMINI, Year of the Lord, o Taon ng Panginoon. (Sa mga formal appointments ng mga pari sinusulat ang ganito: “signed on this 29th of May in the Year of the Lord, 2022). Ibig sabihin binago ni Hesus ang takbo ng kasaysayan ng tao.
Kaya dalawang importante at magkaugnay na aral ang dapat tandaan sa araw na ito. Una, ang “pag-akyat sa langit” ay pagtaas, ngunit hindi pagmamataas. Bakit? Dahil sinabi niya, “Ang nagmamataas ay ibababa.”
Ito naman talaga ang background ng ascension: ang pagbaba ng ating pagkatao dahil sa pagmamataas, dahil sa pagkahulog ng tao sa tukso na magkunwaring Diyos o magdiyos-diyosan. Ito kasi ang nangyayari kapag nahuhumaling ang tao sa makamundong kapangyarihan, kayamanan at katanyagan, ang tinatawag kong “Tatlong Delikadong K.” Noon siya nawawalan ng “Tatlong Tunay na K” sa mata ng Diyos—kabutihan, kagandahan, katotohanan—ang mga pundasyon ng tunay nating karangalan.
Kapag itinataas ng tao ang sarili niya sa kayabangan, ang ibinubunga nito ay K din, as in KASALANAN. Nalalayo siya o nawawalay sa Diyos. Imbes na tumaas, bumababa ang ating dangal. Ang pagmamataas ay nagpapababa sa ating pagkatao.
Ikalawang mahalagang punto: “Ang pagpapakumbaba ang nagpapataas sa ating pagkatao. “Kaya pala sinabi ni Hesus kay Zaqueo, “BUMABA KA.” Ito ang paraan ni Hesus. Alam kasi niya na ginagawang paraan ni Zaqueo ang pagpapakayaman upang tumaas siya sa lipunan at mapansin. Sabi ni San Lukas: sabik daw itong pandak na Zaqueo na makita si Hesus kaya umakyat siya sa puno ng sikomoro. Tiningala siya ni Hesus at sinabihan: Bumaba ka, makikikain ako sa bahay mo. Noon lang nasimulan ang tunay na pagtaas ng kanyang pagkatao: nang sabihin niyang, “Panginoon, kung may kinuha ako na hindi akin, isosoli ko ito nang makaapat na ulit.”
Ang “ascension” ay pagtataas ng Ama kay Kristo dahil sa kanyang pagpapakumbaba. Walang magtataas sa tao kundi ang Diyos mismo. Tulad ng nasabi ko sa simula, hindi natin dapat itaas ang ating sariling bangko. Pagyayabang iyon. Hindi ba ang Magnificat ay sagot ni Maria kay Elisabet? Di ba’t pinakapuri-puri siya nang husto at pinakataas-taas ni Elisabet nang sabihin niya sa pinsan niya, “Mapalad ka sa babaeng lahat, at mapalad din ang dala mo sa iyong sinapupunan!” (Lk 1:42)
Sa Magnificat ang sagot ni Mama Mary ay, “Hindi ako kundi ang Diyos ang tunay na Dakila. Siya ang nagtaas sa akin, ako na isang abang alipin.” Itinuro ni Hesus ang sikreto ng tunay na pagtaas o pag-angat: hindi K (kayabangan) kundi ibang K (kababaan ng loob). Ito ang ibinigay niyang halimbawa sa kanyang pagkakatawang-tao, sa kanyang pagdurusa at kamatayan. Nag-KENOSIS muna siya. Ibinuhos nang lubos ang sarili upang punuan ang pagkukulang ng tao.
Sa Misa, pagkatapos nating dasalin ang Ama Namin, ipinapahayag natin: “Sapagkat sa Iyo ang KAHARIAN, KAPANGYARIHAN AT KALUWALHATIAN magpasawalang-hanggan.” Ito ang nagpapataas sa atin; kapag kinikilala natin ang tunay na pinagmumulan ng tatlong K. Noon lang naibabahagi ang mga ito sa atin ng Anak. Noon lang tayo nagiging handang tumaas, tayo mismo, upang makaisa niya sa kadakilaan ng pagiging mga Anak ng Diyos, upang maluklok din tayo sa Kanang Kamay ng kanyang Ama.
(Homiliya Para sa Pag-Akyat sa Langit ng Panginoon, Ika-29 ng Mayo 2022, Lukas 24:46-53)