Home Headlines Double-Island type na Marilao station ng NSCR, itinatayo na

Double-Island type na Marilao station ng NSCR, itinatayo na

718
0
SHARE

Naitayo na ang mga poste para sa magiging Marilao station ng North-South Commuter Railway Project Phase 1. (Shane F. Velasco/PIA 3)


 

MARILAO, Bulacan — Naitayo na ang mga poste para sa magiging Marilao station ng North-South Commuter Railway o NSCR Project Phase 1.

Sabay-sabay nang ginagawa ang mga istasyon ng tren sa Meycauayan, Bocaue, Balagtas, Guiguinto at Malolos na bubuhay sa dating linya ng Philippine National Railways.

Ayon kay Transportation Undersecretary Timothy John Batan, tatlong palapag ang gusali ng Marilao station na may habang 200 metro.

Kasyang makapasok dito ang isang train set ng NSCR na may walo hanggang sampung bagon na magkakadugtong.

Natatangi ang Marilao station dahil ito lamang ang bukod tanging istasyon ng NSCR sa Bulacan na may apat railway tracks.

Tinatawag itong double-island type na istasyon kung saan may tatlo itong platforms o ang sakayan at babaan ng mga pasahero.

Sa pagitan ng mga platforms na ito, nasa gitna ang dalawang salubungang riles na daanan ng mga tren na papuntang Tutuban at papuntang Malolos habang may hiwalay pang riles sa magkabilang gilid ng northbound at southbound na direksyon.

Matatagpuan ang Marilao station ng NSCR sa pagitan ng Manila North Road at SM Marilao.

Bukod sa pagiging istasyon ng tren ng NSCR, magsisilbi rin itong intermodal terminal ng iba’t ibang uri ng mga pampublikong sasakyan mula sa mga tricycle, taxi, UV Express, dyip at mga bus.

Ito’y upang may masakyan na pampublikong sasakyan ang mga pasahero ng NSCR tuwing sila’y sasakay at bababa.

Target matapos ang Marilao station bago ang nakatakdang partial operation ng NSCR sa 2023.

Kapag kumpleto na ang kabuuan ng NSCR system, kabilang ang istasyon na ito sa hihintuan ng mga tren na mula Tutuban papuntang Malolos at pabalik, Clark hanggang Tutuban at Clark hanggang Calamba. (CLJD/SFV-PIA 3) 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here