Home Headlines Mga nagwaging alkalde sa Bulacan, naiproklama na

Mga nagwaging alkalde sa Bulacan, naiproklama na

856
0
SHARE

10 kasalukuyang alkalde sa siyam na bayan at isang lungsod sa Bulacan ang muling nahalal sa pwesto. Kabilang na riyan si San Jose Del Monte City Mayor Arthur Robes. (SJDM CIO)


 

LUNGSOD NG MALOLOS — Naiproklama na ang mga nagwagi alkalde sa lalawigan ng Bulacan.

Ayon kay Provincial Election Supervisor Rene Cruz Jr., 10 kasalukuyang alkalde sa siyam na bayan at isang lungsod ang muling nahalal habang walo ang magiging bagong mga lokal na punong ehekutibo.

Anim naman na mga nanilbihan sa nakalipas na mga panahon ang muling uupo sa dati nilang naging posisyon.

Una rito si San Jose Del Monte City Mayor Arthur Robes na muling nahalal sa para sa ikatlong termino sa botong 149,935 laban kay Earl Tan na nakakuha ng 45, 019 na boto.

Nasa ikatlong termino na rin ang muling nahalal na si Baliwag Mayor Ferdinand Estrella na may botong 53,339 laban sa 38,312 na boto ni Cris Clemente.

Si Pulilan Mayor Maria Rosario Ochoa-Montejo ay muling uupo sa ikatlong termino na nakakuha ng botong 29,273 laban kay Vice Mayor Ricardo Candido na may botong 25,313.

Kabilang din sa mga nakaupo na muling manunungkulan ay sina Balagtas Mayor Eladio Gonzales, Bulakan Mayor Vergel Meneses, Bustos Mayor Francis Albert ‘Iskul’ Juan, Marilao Mayor Ricardo Silvestre, Pandi Mayor Enrico Roque, Paombong Mayor Mary Anne Marcos at San Miguel Mayor Roderick Tiongson.

Naiproklama na rin ang mga dati nang nanungkulan at ngayo’y muling nanalo gaya ni dating Malolos City Mayor Christian Natividad.

Tinalo niya sa botong 59,557 ang kasalukuyang Mayor na si Gilbert Gatchalian na nakakuha ng 49,270 na boto.

Una siyang nakakumpleto ng tatlong termino bilang alkalde mula noong taong 2010 hanggang 2019.

Si Kinatawan Henry Villarica ng ikaapat na distrito, ang muling magiging alkalde ng lungsod ng Meycauayan.

Una na siyang naging nanilbihan sa naturang pwesto mula 2016 hanggang 2019.

Nagbabalik din sa munisipyo ng Plaridel si dating Mayor Jocell Vistan na nauna nang nanungkulan mula 2013 hanggang 2019.

Si Donya Remedios Trinidad Vice Mayor Ronaldo Flores ay muling uupo bilang mayor ng nasabing bayan.

Dati na siyang nanungkulang mayor ng bayan mula taong 2010 hanggang 2019.

Si dating Mayor Bartolome ‘Omeng’ Ramos ay magbabalik muli sa munisipyo ng Santa Maria.

Nanungkulan na siyang mayor ng nasabing bayan mula noong taong 2001 hanggang 2004 at muling nahalal noong 2007 hanggang 2016.

Sa Bocaue, nagbabalik si dating Mayor Eduardo ‘Jonjon’ Villanueva Jr. na dati nanungkulan sa parehong posiyon noong 2001 hanggang 2004 at muli noong 2007 hanggang 2016.

Samantala, anim na mga bayan sa Bulacan ang magkakaroon ng mga bagong alkalde.

Kabilang diyan sina Jowar Bautista ng Angat, Lem Faustino ng Calumpit, Agatha ‘Agay’ Cruz ng Guiguinto, Baby Manlapaz ng Hagonoy, Merlyn Germar ng Norzagaray, Ding Valeda ng Obando, Fernando ‘Gazo’ Galvez ng San Ildefonso si dating Bokal Mark Cholo Violago ng San Rafael. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here