Home Opinion Pasaway

Pasaway

948
0
SHARE

“ANG DIYOS ang dapat naming sundin, hindi ang tao!” (Acts 5:25) Ang linyang ito na narinig natin sa ating first reading ang naging title ng pastoral letter na inilabas ng CBCP January 25, 1986, two weeks bago naganap ang kontrobersyal na eleksyon na naganap noong Pebrero 7, 1986. Eleksyon na humantong sa katapusan ng Marcos dictatorship at pagbabalik ng demokrasya sa pamamagitan ng nangyaring people power sa EDSA.

Obvious ba na ito ang pinaghugutan ng CBCP ng inspirasyon para sa pagbabantay na hiniling nilang gawin ng taong-bayan noon upang maging malinis, totoo, at payapa ang maging takbo ng halalan na first time mangyayari sa loob ng 14 years ng madilim na panahon ng dictatorship na naglugmok sa ating bansa at nagwasak sa ating ekonomya dahil nilimas nang husto ng mga Marcos noon at ng mga cronies nila ang pondo ng gubyerno. Ang makasaysayang halalan na iyon ang tinawag na “snap election,” at dalawang kandidato lang noon ang pagpipilian sa botohan—si Marcos ba (na 20 years na sa pagkapresidente), o ang kandidatong babae at biyuda?

Halos isang buwan lang noon ang campaign period at nagulat ang administrasyon sa reaksyon ng mga tao. Parang biglang nawala ang takot ng mga tao sa Diktador. Dati-rati, ni hindi mabanggit ang pangalan ng Diktador kundi pabulong. Sobrang praning ng mga nakatatanda dahil sa dami ng mga ipinakulong sa oposisyon o sa sinumang magsalita laban sa awtoridad niya. Pero noong mga araw na iyon bago nag-eleksyon, aba nawala ang takot ng mga tao. Sila mismo ang nangampanya at nagbahay-bahay. At ang iba ay nagmanman at nagbantay sa botohan. Pati yung mga election officers ng Comelec noon, ang lakas ng loob nila na mag-walk-out nang hindi na nila masikmura ang pandaraya.

Parang ganitong-ganito rin ang sitwasyon na ikinukuwento sa atin ni San Lukas sa ating unang pagbasa. Kung ilalagay natin sa mas simpleng salita, ganito ang sinabi ng mga awtoridad sa mga alagad sa ating unang pagbasa: “Ang titigas naman ng mga ulo ninyo. Hindi ba kayo masaway? Pinagsabihan na namin kayo na tumigil na sa pagbanggit sa pangalan na iyan, pero hanggang ngayon hindi pa rin kayo tumitigil at parang kami ang sinusumbatan ninyo sa pagkamatay niya.”

Noong 1986, ang pangalan na ayaw na ayaw ng mga awtoridad na mabanggit sa publiko ay hindi Hesus kundi pangalan ng taong binaril sa airport. Defensive sila. Feeling nila pinagbibintangan sila.

Ganyan din daw ang disposisyon ng mga awtoridad ayon sa ating first reading. At ang laging banta nila sa mga alagad ay kulong o bitay. In fact, ikinulong na nga sila, pero di ba sa kuwentong binasa natin kahapon, may anghel daw na naglabas sa kanila sa kulungan nang gabing iyon? (Noong panahon ng dictatorship, mga madre at mga human rights lawyers ang mga angels.)

Natatawa ako pag naiisip ko ang eksenang iyon na binasa kahapon. Nakalabas na ang mga bilanggo, pero ang mga guwardiya nandoon pa rin nagbabantay. At ang rehas na pintuan, nakakandado pa rin. Pero wala nang laman ang selda sa loob. Ang mga alagad na binilanggo nila nasa labas na. Ni hindi tumakas o nagtago. Dati napakaduwag nila. Ngayon matapang na sila. Sabi ko nga kahapon, sila mismo ang naging tunay na ebidensya ng muling pagkabuhay ni Kristo.

Kaya siguro na-inspire din ang mga obispo noon. Sabi nila sa sulat na iyon,

“We should not passively surrender to the forces of evil and allow them to determine the conduct and the results of these elections. The popular will is clearly shown by the interest of the vast majority of our people to participate in these elections. If we band together, we can become a massive force that will assure relatively clean and honest elections, expressive of the people’s genuine will.”

Sabi pa nila: “In a conflict of loyalties and interests, God’s will must prevail over unjust commands of earthly leaders. We address these words to all of you, our countrymen, not only because of our concern to uphold gospel values but also because of our country’s critical situation. These elections, if free and honest, will be a big step in restoring that confidence in government and cooperation with it which are essential to national recovery. This confidence can only be lost and our crisis worsen in the event of massive election frauds.”

At ganoon na nga ang nangyari, tulad ng inaasahan ng marami: isang eleksyong talamak sa pandaraya at pananakot, dahil wala pa rin palang tunay na intensyon noon ang diktadura na tanggapin ang desisyon ng taumbayan at kusang magbitiw na sa kapangyarihan.

Kaya’t ang naunang sulat pastoral ng CBCP noong Enero 25, 1986 ay nasundan ng isa pa noong Pebrero 13, 1986. Ganito ang kanilang naging pahayag, matapos na ideklara ang diumano’y naging resulta ng halalan:

“Ang isang pamahalaang nananatili sa poder sa pamamagitan ng pandaraya ay wala nang moral na batayan upang manatili… Ito’y may obligasyon na itama ang kamaliang kinatatayuan nito. Dapat nitong igalang ang mandato ng taumbayan. Ito’y isang pangunahing kondisyon para sa pakikipagkasundo.”

Sa loob ng dalawang linggo ulit, pagkatapos lumabas ang sulat na iyon, nangyari ang tinuturing kong tunay na Golden Age ng ating kasaysayan. Muntik nang pumutok noon ang isang madugong civil war. Nakaabang na ang mga militar ng gubyerno para lusubin sa Camps Crame at Aguinaldo ang mga sundalong tumiwalag na sa gubyerno dahil sa pandaraya sa eleksyon. Grabe ang pagkamangha ng daigdig sa lakas ng loob ng halos milyong mga Pilipinong nagtungo sa EDSA at pumagitna sa mga tangke at baril ng magkabilang kampo ng mga sundalo?

Biro mo, biglang nangyari ang pinangarap ng ating bansa na isang mapayapang pagbabalik ng demokrasya sa pamamgitan ng “people power.” Grabe ang tapang na ipinakita noon ng mga Pilipino. Walang sinabi ang tapang ng mga Ukrainians. Naglabasan sila, katulad ng mga alagad ni Kristo na lumabas sa pinagtataguan. Sa kalsada sila nagdasal, nagrosaryo, nagprusisyon, naghatid ng inumin at pagkain sa mga sundalo at mga tao. Ang ang resulta? Parang Salubong ng Pagkabuhay para sa bansang Pilipinas.

(Homiliya para sa Huwebes ng Ikalawang Linggo ng Pagkabuhay, 28 ng Abril 2022, Jn 3:31-36)

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here