Ang isa sa mga asong nakasako na nang mailigtas ng mga otoridad sa kamay ng tatlong dog meat traders. Kuha ni Rommel Ramos
SAN ILDEFONSO, Bulacan — Arestado ang tatlong suspek sa isinagawang entrapment operation ng pinagsanib na pwersa ng Bulacan CIDG, San Ildefonso PNP at Animal Kingdom Foundation (AKF) dahil sa reklamo ng dog meat trading.
Naaresto ang pangunahing suspek na si Jonathan Caraig, 39, ng Barangay Sumandig kasama ang dalawang suspek na sina Elizalde Labador, 49, at Richard Burlas, 36, na mga residente din sa nasabing lugar.
Halos dalawang linggong minanmanan ng mga otoridad ang mga suspek matapos makatanggap ng impormasyon ang AKF sa dog meat trading activities ni Caraig.
Nang salakayin ang lugar ay naaktuhan pa ang mga suspek habang sinusuplete ang dalawang asong nakatakda nang ibenta sa isang hindi nakilalang buyer.
Ayon kay Caraig, unang beses pa lang niya itong ginawa at nautusan lang sila ng isang buyer dahil may dadaluhan itong handaan at babayaran sila nito ng P250 kada ulo ng aso.
Ayon naman kay Atty. Heidi Caguioa, program manager ng AKF, labag sa batas ang dog meat trading at may nakapagbigay ng impormasyon sa kanila sa aktibidad ng mga suspek.
Ang pitong asong pinoy na nailigtas ng mga otoridad at nai-turn-over na sa pangangalaga ng AKF habang ang dalawang patay na aso naman ay dadalhin din ng AKF sa Tarlac para ilibing sa pet cemetery.
Nahaharap naman sa kasong paglabag sa RA 8485 o Animal Welfare Act at RA 9482 o Anti Rabies Act ang mga suspek na nakaditene ngayon sa Bulacan CIDG.