Home Opinion Ang muling pagtutuos

Ang muling pagtutuos

835
0
SHARE

KUNG MAY kakaiba tungkol sa ulat ni San Lukas tungkol sa Pasyon at Kamatayan ni Hesus ito’y ang papel ni Satanas sa buong kuwento. Kaya ang naisip kong title para sa homiliyang ito ay ANG MULING PAGTUTUOS.

Kailangang balikan ang salaysay ni San Lukas tungkol sa ginawang panunukso ni Satanas noong namalagi si Hesus sa disyerto sa loob ng 40 araw. Dahil hindi nagtagumpay ang diyablo sa tatlong hirit ng panunukso na ginawa niya kay Hesus, sa dulo ng kuwento, sinasabi ni San Lukas, “Iniwan siya ni Satanas pero naghintay daw ito ng bagong pagkakataon.”

At ang huling mga araw ni Hesus sa Jerusalem ang naging pagkakataon na pinakahinta-hintay niya, ang tinatawag kong “muling pagtutuos”. Kumbaga sa isang puppet show, maraming mga karakter ang minanipula na parang mga puppet si Satanas para magtagumpay siya. Una, si Hudas, Iskariote. Sinasabi ni San Lukas, pumasok daw sa kanya si Satanas upang magtaksil kay Hesus sa halagang 30 pirasong pilak.

Ang pangalawa ay ang mga taong nanonood sa paglilitis kay Hesus. Madalas nating marinig ang kasabihang VOX POPULI, VOX DEI. Ang tinig daw ng taumbayan ay tinig ng Diyos. Totoo ba iyon? Oo, pero hindi lagi. Sa kuwento ng paglilitis kay Hesus, ang tinig ng taumbayan ay tinig ni Satanas. Ibig sabihin pumasok din siya sa mga tao at ginamit silang parang mga trolls.

Pinagboto pa raw ni Pilato ang mga tao. Tinanong niya sila kung sino ba sa dalawang kandidato ang pipiliin nila na palayain—si Hesus o si Barabas na isang tulisan. (Ang kahulugan ng Aramaicong pangalan na Bar’abbas ay “Anak ng Tatay”). Ang pinili ng marami ay si Barabas. Desisyon daw ng taumbayan. Tinig ba iyon ng Diyos? Hindi. Pinagkaisahan daw siya. Tulad ng nasabi ko minsan sa isang homily, hindi naman lahat ng pagkakaisa ay mabuti. Puwede ring magkaisa ang tao sa masama.

Nagtagumpay kasi ang mga trolls sa pagpapalaganap ng mga kasinungalingan laban kay Hesus. Napaniwala naman ang marami kaya mas malakas ang sigaw ng mga pumapanig kay Barabas. Ngunit hindi totoong kanila ang tinig na iyon kundi sa kampon ng kadiliman. Parang hanggang ngayon ganyan pa rin ang drama ng kaligtasan. Mahusay magmaniobra ang diyablo para maipanalo ang kandidato niyang kawatan.

Noong nakaraang Solidarity Mass for the Moral Choice na ginanap sa Baclaran, nasabi ko doon na madalas i-quote yung sinabi diumano ni Hesus sa Juan 8:32, “Ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Nakakalimutan nilang basahin ang mga naunang linya: “KUNG PANININDIGÁN NINYO ang mga turo ko, kayo ay magiging mga alagad ko. Makikilala ninyo ang katotohanan at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Palalayain ba talaga tayo ng katotohanan? Depende. Meron siyang KUNG—kung mapaninindigan natin ang mga turo niya.

Alam din naman ni Pilato ang katotohanan. Nag-imbestiga pa nga siya at nalaman niyang hindi totoo ang mga akusasyon laban sa kay Hesus. Pero pinanindigan ba niya ang totoo? Hindi. Sa halip, naghugas-kamay siya. Pinili niyang maging neutral dahil sa takot na baka mawalan siya ng kapangyarihan. Ibig sabihin pinasok rin siya ni Satanas.

Ang huling hirit ni Satanas ay noong nakapako na si Hesus sa krus. Mga pinuno naman ng bayan ang sinaniban niya. Ganito raw ang isinigaw nila kay Hesus habang nakapako siya sa krus, “Iniligtas niya ang ibang tao, ILIGTAS NAMAN NIYA NGAYON ANG SARILI NIYA kung siya nga ang Kristo, ang hinirang ng Diyos.” Tatlong beses uulit ang mensaheng ito. Parang pag-uulit ng tatlong tukso sa disyerto. Ang pangalawa ay lalabas naman sa bibig ng mga sundalong pinasok din ng diyablo. “Kung hari ka nga ng mga Hudyo, ILIGTAS MO ANG SARILI MO.” At ang pangatlo ay bibigkasin naman ng isa sa dalawang kriminal na kasama ni Hesus na ipinako sa kalbaryo. Sabi niya, “Hindi ba’t ikaw ang Kristo, ILIGTAS MO ANG SARILI MO at iligtas mo kami.” Tinig din iyon ni Satanas.

Pero nabigo ang dimonyo sa pangalawang kriminal. Ang lumabas sa bibig nito ay pagpapakumbaba at pag-amin sa kanyang kasalanan. Imbes na si Satanas, siya ang nakahirit pa rin na magligtas sa huling sandali. At ang pinakamasaklap na failure ni Satanas ay hanggang sa huling sandali, hindi iniligtas ni Hesus ang sarili. Sa halip, inialay niya ang sarili bilang PANTUBOS sa mga nais angkinin ni Satanas.

Noon ko pa ipinagtataka kung bakit MAHAL NA ARAW ang translation natin ng Holy Week o Semana Santa, imbes na Banal na Linggo. Paalala siguro ito sa atin na NAPAKAMAHAL ng ipinantubos ng Anak ng Diyos sa atin. Hindi dugo ng hayop, hindi alay, hindi sakripisyo. Ang pantubos niya, buhay niya. Ang nag-aalay at ang handog na iniaaalay ay naging iisa kay Kristo.

Mas sanay tayo sa mga bidang nananatiling ligtas habang sila’y nagliligtas. Ibang klaseng tagapagligtas si Hesus. Hindi niya ililigtas ang sarili hanggang sa huling sandali. Dahil mahal niya ang tinutubos niya, mahal din ang pantubos niya—sarili niya. Akala ni Satanas, ang pagkamatay ng Anak ng Diyos ay hudyat ng pagkatalo. Nagkamali siya. Hudyat pala ito ng tagumpay ng Diyos. Kumbaga sa larong chess, CHECKMATE ang diyablo.

(Homiliya Para sa Linggo ng Pagpapakasakit ng Panginoon, ika-10 ng Abril, 2022, Lk 22:14—23:56) 

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here