Home Headlines Electrical connection sa mga tahanan, establisimento mahalagang ipasuri

Electrical connection sa mga tahanan, establisimento mahalagang ipasuri

769
0
SHARE

Ibinalita ni Bureau of Fire Protection Nueva Ecija Chief of Operations Senior Fire Officer Victor De Guzman ang mga isinusulong na programa at kampanya ng ahensya ngayong Fire Prevention Month. (Camille C. Nagaño/PIA 3)


 

LUNGSOD NG CABANATUAN — Binigyang diin ng Bureau of Fire Protection o BFP Nueva Ecija ang kahalagahan ng regular na pagpapasuri ng electrical connection sa mga tahanan o establisimento.

Ayon kay BFP Nueva Ecija Chief of Operations Senior Fire Officer III Victor De Guzman, problema sa electrical connection ang nananatiling pangunahing sanhi ng sunog na naitatala ng ahensya.

Ngayong panahon aniya ng tag-init ay hindi maiwasang magdagdag ng mga appliances na ginagamit sa bawat tahanan.

Ang kaniyang paalala ay iwasang pagsabay-sabayin ang paggamit ng mga appliances o octopus connection gayundin ay huwag gumamit ng mga sub-standard na kasangkapan.

Kung mayroong pagkakataon aniya ay mahalagang naipasusuri sa mga lisensiyadong electrical engineer o electrician ang mga kable ng kuryente sa tahanan o establisimento upang makasigurong ligtas at makaiwas sa anumang insidente na maaaring maging sanhi ng sunog at pagkawala ng mga pinundar na ari-arian.

Pahayag ni De Guzman, kasabay nang pag-uupgrade ng mga kagamitan sa tahanan ay ang pag-uupgrade din ng mga electrical wirings upang makaiwas sa overloading at matiyak na akma sa kapasidad ng electrical connection ang mga ginagamit na kasangkapan.

Sa datos na ibinalita ng BFP ay umabot na sa 24 ang naitalang structural fire incident sa buong lalawigan simula pagpasok ng taong 2022, pinakamarami ang naging sunog sa mga residential na 19, tatlo ang naitalang nasunog na mga bodega o kamalig at dalawang commercial establishment samantalang hindi pa kasama sa naturang bilang ang mga insidente ng grassfire at forest fire.

Pahayag ni De Guzman, kung pagsasama-samahin ay nasa 51.3 milyong piso na ang danyos ng mga naitalang sunog sa buong lalawigan ng Nueva Ecija sa taon lamang na ito.

Kaya puspusan ang ginagawang Oplan Ligtas na Pamayanan o ang pag-iikot ng mga kawani ng BFP sa mga komunidad hinggil sa mga pag-iingat at pamamaraan na dapat gawin upang makaiwas sa anumang insidente ng sunog. (CLJD/CCN-PIA 3)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here