Home Opinion Matang nakadilat

Matang nakadilat

1292
0
SHARE

EWAN KO kung napansin na ninyo ang isang simbolo ng Diyos sa mga lumang simbahan: isang matang nakadilat na nasa gitna ng isang triyanggulo o sa Tagalog, tatsulok. Alam nyo, dati-rati negative ang reaksyon ko sa simbolong ito. Para bang lagi tayong winawarningan, “Huwag kang pasaway diyan, nakabantay ang Diyos. Kahit saan, kahit kailan nakikita niya ang ginagawa mo.” Para bang ang konsepto ng Diyos ay isang Super-CCTV, na kapareho ng konsepto ng reality TV program na inimbento para sa mga mahilig mag-usyoso sa buhay ng may buhay: BIG BROTHER. “Nanonood si Kuya, hala ka!”

Totoo, pwede mo nga namang bigyan ng ganoong kahulugan ang dilat na mata sa loob ng tatsulok, sumisimbolo baga sa isang Diyos na nakakatakot, parang security guard na di mo nakikita, pero nakikita ka niya. Pero alam nyo, hindi pala ganoon ang orihinal na interpretasyon nito. Sa orihinal nitong pakahulugan sa bibliya, simbolo ito ng Diyos na mahabagin.

Ang kabaligtaran ng larawan ng dilat na mata na laging nakatingin ay ang madalas na gamiting simbolo naman ng Hustisya—isang babaeng may hawak na timbangan pero nakapiring o may takip ang mga mata. Ibig sabihin, “Walang kinikilingan, walang pinapaboran, hustisyang totoo lamang.” Para slogan ito ng isang TV network ano? Haha. Alam natin ang ibig sabihin ng simbolong ito: “Pag guilty, guilty. Parusahan. Ang batas ay batas.”

Pero alam nyo ba, mayroon daw isang estado sa United States, di ko na maalala kung alin, doon daw sa kanilang Court of Justice, ang larawan ng Hustisya ay medyo kakaiba. Isang babae rin na may hawak na timbangan pero hindi siya nakapiring kundi nakatingin. Malinaw din ang ibig sabihin nito. Paano ka nga ba naman huhusga kung di mo alam ang sitwasyon? Di ba kaya nga sa isang democratic legal system meron munang due process ng batas? At bahagi nito ang masusing imbestigasyon bago huhusgahan ang tao kung guilty or not guilty? Sa Russia ngayon, guilty ka kaagad, magsulat ka lang ng mensaheng GIVE PEACE A CHANCE sa isang placard, o magsabing NO TO WAR.

Siguro ito ang dahilan kung bakit nasabi ni Hesus sa kanyang Sermon on the Mount, “Do not judge and you shall not be judged…” Alam din naman niya na bahagi talaga ng buhay ang gamitin natin ang ating pag-iisip para tayo makapagdesisyon nang mabuti o humatol nang tama. Palagay ko ang talagang ibig sabihin ng Panginoon ay, “Huwag magpadalos-dalos sa paghatol kung marami ka pang hindi alam.”

Napaka-importante ng reminder na ito lalo na kung sa desisyon mo nakasalalay ang buhay o kinabukasan ng ibang tao. Isang malaking pananagutan mo sa Diyos kapag nagkamali ka. Obligasyon mo talaga na alisin ang piring na tumatakip sa paningin mo. Ano ang mga iyon? Iyung bias o mga paunang hatol o simpleng haka-haka. Isantabi mo at tumingin kang mabuti.

May warning pa nga ang Panginoon sa ebanghelyo sa mga humahatol nang malupit na walang batayan. Baka daw ipalasap sa atin ng Diyos ang malupit nating panghuhusga sa kapwa kung walang batayan ito. Ganoon ang punto ng sagot niya sa mga nagsasabing “Siguro dumanas ng ganyang pagdurusa ang mga pinaslang ni Pilato at yung mga nabagsakan ng tore sa Siloam dahil makasalanan sila at pinarusahan sila ng Diyos.” Hindi po totoo na lahat ng nagdurusa dito sa mundo ay may kasalanan. Ano ba ang kasalanan ni Hesus, ba’t ipinako siya sa krus? Ano ba ang kasalanan ng isang senadorang hanggang ngayon nakabilanggo pa rin at hindi nalilitis sa korte ang kaso matapos ang apat na taon?

Napakalinaw ng aplikasyon ng ebanghelyong ito sa ating lipunan sa kasalukuyan, lalo na ngayong malapit na naman ang eleksyon. Halimbawa, tinanong ka, “Sino ang iboboto mo?” Sagot mo—“Si ganito.” Tinanong ka, “Bakit, ano ang dahilan?” Sagot mo—“A basta, iyun ang gusto ko e. Respetuhin mo na lang ako.” Iyon ay sagot ng isang taong sarado ang isip. Nakapiring ang mata pero sulong pa rin nang sulong sa dilim.

Kung isang grupo tayo na nakatali sa isa’t isa, pero may kasama kang nakapiring ang mata pero pilit na nagsasabing doon daw sa gawing kanan ang tamang direksyon, at mukhang marami ang gustong sumunod sa kanya na nakapiring din ang mga mata. Ikaw naman dahil lumuwag na ang panyolitong nakatakip sa mga mata mo at nasilip mo na papunta pala kayo sa isang bangin. Hindi mo naman sila masaway dahil hindi nga nila nakikita. So, ano ang dapat mong gawin?

Sasabihin mo ba, “Ok. Bahala ka sa buhay mo. Gusto mo ng respeto edi sige, rerespetuhin ko na lang ang gusto mo. Ganoon ba?” Hindi. Bakit? E nakakabit kayo sa isa’t isa. Pag nahulog sila, hulog ka rin. So ano ang magagawa mo? Edi tulungan mong maalis ang piring na tumatakip sa kanilang mga mata! Ang social media ngayon ang isa sa pinakamabisang pambulag sa maraming mga tao. Pero pwede rin siyang gamitin bilang panggising o pang-mulat.

Ito ang punto ng ating mga pagbasa. Huwag mong hayaang matakpan ang isip mo ng mga paunang hatol. Halimbawa may nagdusang isang tao, huwag mong basta sasabihing siguro deserved niya, siguro may kasalanan siya. Para bang tulad ng epekto ng mga propaganda tungkol sa Ukraine. Mayroon tuloy nagsasabing “Siguro deserved nila ang ginawa ng Russia sa kanila.”

Ang sagot ng Panginoon sa mga taong ganyan mag-isip ay, “Pag hindi mo binago ang pag-iisip mo, baka ipalasap ng Diyos sa inyo ang pagdurusa nila—para maturuan kayo ng liksyon.” Iyon ba ang tinatawag na KARMA? Hindi po. Ang karma, parang automatic justice. Hindi ganyan ang hustisya ng Diyos. Ang hustisya ng Diyos ay hindi nakapiring, may batayan. Hindi siya bulag. Nakadilat ang kanyang mga mata. Nakikita niya ang totoo. Katotohanan ang batayan ng desisyon niya, hindi haka-haka, hindi fake news.

Nakikita ng Diyos ang nakikita ng hardinero sa kuwento ng ebanghelyo. Ang may-ari kasi ng ubasan sa kuwento, isang bagay lang ang nakikita niya: na walang ibinubunga ang fig tree, kaya pinasisibak niya. Ang hardinero, may alam siya na hindi alam ng may-ari—na kulang sa pataba at sa tubig ang fig tree, kaya hindi nagbubunga. Kaya gusto niyang bigyan pa ito ng pagkakataon. Ang habag ay hindi kabaligtaran ng hustisya. Ang habag ay hustisya ng Diyos na nakakakita sa hindi natin nakikita.

Sa ating unang pagbasa ito ang sinasabi ng Diyos kay Moises: “NAKIKITA KO ang paghihirap na nararanasan ng aking bayang inalipin sa Ehipto. NARIRINIG KO ang mga hinaing nila. ALAM KO ang mga pagdurusang pinagdaraanan nila. Kaya bumaba ako para iligtas sila.” Ano ang ginagawa ng Diyos? Dahil pilit tinatakasan ni Moises ang masakit na katotohanan na nakikita niya, binubuksan niya ang kanyang mga mata at tainga.

Kung minsan kasi, kapag masakit ang dating ng katotohanan, parang ayaw nating tumingin o makinig. Minsan pinipili talaga nating magbulag-bulagan o magbigi-bingihan. Minsan ikakatwiran din natin, “Ba’t pa ako makikialam sa buhay ng may buhay? Baka tawagin pa akong pakialamero.” Iyon pala, magkakabit-kabit tayong lahat. Pag nahulog siya, hulog ka rin, hulog tayong lahat sa bangin.

Pag nasaktan siya, masasaktan din tayo. Sabi nga ni San Pablo, ang sambayanan ng mga alagad ay katawan ni Kristo. Ang sakit ng kalingkingan ay sakit ng buong katawan. Ang ginhawa ng kalingkingan pag gumaling sa sakit, ay ginhawang mararamdaman din ng buong katawan.

(Homiliya para sa Ikatlong Linggo ng Kuwaresma, Ika-20 ng Marso 2022, Lukas 13:1-9)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here