IBA, Zambales — May 32 katutubo sa Sitio Baliwet, barangay Sta. Fe sa bayan ng San Marcelino sa Zambales ang nagtapos sa Farmer Field School.
Ito ay isa sa mga pagsasanay na ipinagkakaloob ng Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Extension Service Program.
Ayon kay Municipal Agriculturist Remin Sardo, layunin ng aktibidad na mahasa ang mga kalahok sa makabagong kaalaman sa pagsasaka upang bumuti ang kalidad ng kanilang pananim.
Sila ay sumailalim sa 16 linggong pagsasanay sa rice production, proper land preparation, water management at sa kagamitang pansaka.
Sa isang pahayag, nagpasalamat si Mayor Elvis Ragadio Soria sa oportunidad na matuto ang mga lokal na magsasaka upang umani ng sagana at mabigyan ang kanilang pamilya ng magandang kinabukasan.
Aniya, pangarap niya na makitang maginhawa ang pamumuhay ng mga magsasaka lalo na ang katutubo. (CLJD/RGP-PIA 3)