Home Opinion Pag-uusap na nakapagbabago

Pag-uusap na nakapagbabago

797
0
SHARE

ANG EBANGHELYO sa ikalawang Linggo ng Kuwaresma ay laging tungkol sa PAGBABAGONG-ANYO ni Hesus. Pero para sa ating reflection ngayon, pag-usapan natin ang tungkol sa konteksto ng PAGBABAGONG-ANYO—ang pakikipag-usap. Pag-uusap na nakapagbabagong-anyo.

Nasa tatlong ebanghelyo ang kuwentong ito, pero si San Lukas lang ang nagbibigay sa atin ng ideya tungkol sa sitwasyon o konteksto ng pagbabagong-anyo. Umakyat daw sa bundok si Hesus para manalangin. At habang nananalangin siya, nagbago ang anyo niya.

Madalas ilarawan ng mga ebanghelista ang pananalangin bilang mga okasyon ng pagdidili-dili para kay Hesus. Di nga ba’t ito ang mga pagkakataon na lumalayo siya sa maraming tao para makapag-isa? Pero sa totoo lang, ang mga sandaling ito ng pag-iisa ay mga sandali rin ng pinakamatinding pakikipag-usap ni Hesus, mga sandaling hindi siya nag-iisa. Sino ang kausap niya? Sa mata ng tagapanood—sarili lang niya ang kausap niya. Monologue ang tawag ng iba sa ganyan—pakikipag-usap sa sarili. Ganoon ba ang panalangin? Hindi.

May kausap talaga siya. At ito daw ang nasaksihan ng tatlong alagad—Pedro, Santiago, at Juan. Ang unang nakita nilang kausap niya ay dalawang tao: si Moises at Elias, mga karakter ng Bibliya, kumakatawan para sa dalawang bahagi ng Banal na Kasulatan: si Moises, para sa Torah o Aklat ng Batas, at si Elias naman para sa Nebi’im o Aklat ng mga Propeta. Pati ang topic ng pag-uusap nila ay mukhang narinig ng tatlong alagad—ang topic daw ay ang kanyang “eksodo” na magaganap sa Jerusalem.

May isang yugto na nakakatawa sa eksena, lalo na noong nakisawsaw sa usapan itong tatlong alagad sa pag-uusap ng tatlo: Hesus, Moises at Elias. Kung EKSODO ang pinag-uusapan nila, ano pa ang ibig sabihin nito kundi pag-alis o paglisan? Sabi siguro ng tatlong alagad, “Aalis na ba siya? Iiwan na ba tayo? Sinusundo na ba siya nitong dalawa?” Kaya biglang sumabat si Pedro sa usapan — “Guro, mabuti na lang narito rin kami. Kayo rin, dito lang muna kayo. Ipagtatayo namin kayo ng kubol, tig-iisa kayo.” Sa madaling salita, gusto nilang pigilan ang pag-uusap. Ang intindi nila, kinukuha na siya. Please po, huwag muna. Ayaw namin ang pag-uusap na iyan. Magkanya-kanya na muna tayo. Respetuhin na lang natin ang isa’t isa.

Sa sandaling iyon daw, habang nagsasalita si San Pedro, natakpan sila ng ulap. Biglang napalitan ng dilim ang liwanag na kanina lang ay naaaninaw nila. Pero may narinig silang tinig sa gitna ng kadiliman—ang tinig ng tunay na kausap ni Hesus, ang Diyos Ama. At may payo ang Ama sa kanila kung ibig din nilang maranasan ang isang pakikipag-usap na makabuluhan at na nagpapabago sa ating pagkatao: MAKINIG MUNA.

Maraming klaseng pag-uusap. At alam natin na hindi lahat ng pag-uusap ay nagbibigay liwanag, o nakapagbabagong anyo. Minsan, ang pag-uusap natin ay walang katuturan, lalo na kung ito’y hindi nakabase sa katotohanan. Di ba may kasabihan tayo, “Ang maniwala sa sabi-sabi ay walang bait sa sarili?” Ang pag-uusap ng mga tao ay pwedeng mauwi sa tsismisan lang o sa nakaaaliw na pantasya. Kung minsan ang simpleng bidahan ay pwedeng mauwi sa kantiyawan. May mga usap-lasing na nauuwi sa barilan o saksakan. Sa amin sa Pampanga, ang salita para sa “AWAY” ay “PATE” na ang literal na kahulugan ay PAGPATAY. Advanced talaga kaming mga Kapampangan—away pa lang, patayan na. Siguro dahil alam namin na ang madalas na pagmulan ng patayan ay mga usap-usapang walang katuturan, na nauuwi sa pagtatalo, hinanakitan, hidwaan.

Kapag wala nang katuturan ang pag-uusap, talagang kailangan muna itong putulin, katulad ng ginawa ng Ama sa salita ni Pedro. Minsan kasi kailangan muna talagang lumayo at magdili-dili, para makapasok tayo sa mas malalim na pakikipag-usap, hindi sa sarili kundi sa Diyos. At kung minsan, nakakatulong sa pagbibigay-liwanag sa kalooban ng Diyos ang sinasabi ng Bibliya, o Banal na Kasulatan, ang sinasabi nina Moises at Elias, katulad ng ginagawa natin ngayon mismo.

Kung minsan may mga bagay na ayaw pag-usapan ng kausap mo. Mga topic na kapag binuksan mo, ang sagot ay katahimikan. Ibig sabihin, dinedma ka. Katahimikan na ang ibig sabihin ay: “Ayokong ngang pag-usapan iyan.” Sa Ingles ang tawag sa ganyang mga topic ay CONVERSATION STOPPERS. At sabi nila sa maraming mga Pilipino ngayon, ang pulitika ay isang “conversation stopper.” Katulad ng ginawa ni San Pedro, sa pakikipag-usap ni Hesus kina Moises at Elias, ang suggestion ay, “Tama na iyan. Magkanya-kanyang kubol na lang kayo, kaysa magkalayo-layo tayo ng kalooban.”

Parang tama, pero mali. May advice ang tinig mula sa likod ng ulap ng kadiliman: tinig ng Ama na nagsasabing, “Makinig muna, bago magsalita.” Ito rin ang madalas ipaalala ni Pope Francis tungkol sa diwa ng SYNODALITY, ng pakikilakbay. Kung ibig natin pumasok sa mabuting pag-uusap, kung ibig natin ang pakikipag-usap natin ay maging makabuluhan, malaman, at nakapagbabago, MAKINIG MUNA, BAGO MAGSALITA.

Ito ang dahilan kung bakit sinasabi naming mga obispo na hindi dapat iwasan ang pulitika sa ating pag-uusap. Bahagi ito ng ating buhay panlipunan. Kung ayaw nating mauwi ang pulitika sa masamang uri ng pulitika, kung ibig natin magbago ang anyo ng pulitika sa ating bansa, importante ang mag-usap-usap tungkol dito, humingi ng liwanag ng pananampalataya kina Moises at Elias, makipag-usap sa nakatatanda. Kung ibig natin na ang kahahantungan nito ay EKSODO o paglaya, kung ibig natin na mapatingkad nito ang ningning ng ating pagiging mga Pilipino—kailangan matutong tayong makipag-usap nang mabuti. Pero bago makipag-usap, makinig. Makinig nang may bukas na kalooban, may kahandaang magsiyasat, magsuri, hanggang ating maaninaw ang kalooban ng Diyos. Dahil siya lang ang mag-aangat sa ating pagkatao, magpapabago sa ating anyo at sa kinabukasan ng ating bayan.

(Homiliya para sa ika-13 ng Marso, Ikalawang Linggo ng Kuwaresma, Luk 9:28b-36)

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here