Home Headlines PPCRV, hinimok ang matalinong pagboto ng kabataang Kapampangan

PPCRV, hinimok ang matalinong pagboto ng kabataang Kapampangan

833
0
SHARE

Ikalimang leg ng Kilos Kabataan: Makibahagi sa Halalan ay inorganisa ng Philippine Information Agency sa pakikipagtulungan sa Commission on Elections, Parish Pastoral Council for Responsible Voting, National Youth Commission, University of the Assumption, at Mabalacat City College (PIA 3)


 

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Hinimok ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV ang kabataang Kapampangan na maging matalino sa pagboto sa darating na eleksyon.

Sa ikalimang leg ng Kilos Kabataan: Makibahagi sa Halalan! voter’s education webinar, inilahad ni PPCRV Voters’ Education and Volunteer Mobilization Director Arwin Serrano ang mga pamantayan sa pagpili ng mga ihahalal na lider ng bansa.

Dapat isaalang-alang aniya ng mga botante ang tatlong ‘K’sa bawat tumatakbong kandidato, kabilang ang karakter, kakayahan, at katapatan.

Paliwanag ni Serrano, dapat na kilatising maigi ng mga botante ang background at asal ng mga kandidato.

Mahalaga din aniya na tignan ang kakayahan ng mga ito na gampanan ang responsibilidad ng pamumuno at ang bawat desisyon na kailangan nilang gawin.

Dagdag pa ng direktor, kailangang tignan ang katapatan ng mga kandidato sa pagsusulong ng mga plataporma at programa, at pagsunod sa mga alituntunin ng Commission on Elections o COMELEC sa pangangampanya nang hindi gumagamit ng mga tiwaling istilo.

Samantala, hinimok din niya ang publiko, lalo na ang mga kabataan na bumoto sa Mayo 9 sapagkat isa aniyang napakahalagang karanasan ang pakiisa sa proseso ng halalan.

Pagbibigay-diin niya, sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa pagpili sa mga magiging lider ng bansa, ginagampanan ng bawat isa ang tungkulin nila bilang mamamayang Pilipino na ang tanging hangad ay magkaroon ng isang maganda at maayos na Pilipinas para sa mga susunod pang henerasyon.

Ang ikalimang leg ng Kilos Kabataan: Makibahagi sa Halalan ay inorganisa ng Philippine Information Agency sa pakikipagtulungan sa COMELEC, PPCRV, National Youth Commission, University of the Assumption, at Mabalacat City College. (CLJD/MJSC-PIA 3)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here