LUNGSOD NG TARLAC — May inisyal 50 mga batang Tarlakenyo edad 5 hanggang 11 ang binakunahan kontra COVID-19 sa Tarlac Provincial Hospital.
Ito ay kaugnay ng inilunsad na malawakang pagbabakuna sa mga bata ng pamahalaang nasyunal bilang proteksyon laban sa naturang sakit.
Ayon kay Tarlac Provincial Health Office Head Jeanette Lazatin, ang bakunang itinurok sa mga bata ay reformulated Pfizer na angkop sa kanilang edad at pangangatawan.
Tinatayang nasa 189,761 bata ang layuning mabakunahan sa buong probinsya.
Giit ni Lazatin, naghahanda na rin ng mga advocacy materials ang kanilang opisina upang mahikayat ang mga magulang na protektahan ang kanilang mga anak sa gitna ng pandemya sa pamamagitan ng pagpapabakuna.
Sa kasalukuyan, nasa 2,000 doses ang inilaan ng Kagawaran ng Kalusugan para sa tuluy-tuloy na pagbabakuna ng mga bata sa Tarlac. (CLJD/TJBM-PIA 3)