Home Headlines Mas mahigpit na laban kontra Covid muling inilarga 

Mas mahigpit na laban kontra Covid muling inilarga 

1103
0
SHARE

Tuloy-tuloy ang pagbabakuna laban sa Covid-19. Kuha ng LGU-Cabanatuan


 

LUNGSOD NG CABANATUAN — Nakikipag-ugnayan na ngayon ang pulisya ng siyudad sa iba’t ibang tanggapan upang epektibong maipatupad ang bagong kautusan na pansamantalang naghihigpit sa quarantinbe restrictions kasabay ng unti-unting pagtaas ng kaso ng coronavirus disease sa lungsod na ito.

Ayon kay Cabanatuan City Police Station chief Lt. Col. Julius Ceazar Manucdoc, bagama’t nananatili sa Level 2 and lungsod, katulad ng iba pang lugar sa Nueva Ecija, ay maituturing itong upgraded “ang ibig sabihin nun ay may konting restrictions na po ‘yan” alinsunod sa Executive Order No. 01 -2002 na nilagdaan ni Mayor Myca Elizabeth Vergara nitong Jan. 3.

Paliwanang ni Manucdoc, ang EO No.01-2002 o An Order Providing For The Guidelines in Preventing the Further Spread of Covid-19 in the City of Cabanatuan ni Vergara na may bisa mula Jan. 4 hanggang Jan. 17, 2002 ay batay pa rin sa resolution ng inter-agency task force.

Kabilang sa panibagong paghihigpit na ipinatutupad ngayon ay ang pagbabawal sa paglabas ng “vulnerable population” kung saan ang mga edad 11 taon pababa ay papayagan lamang “kung para sa pagkuha ng essential goods and services, trabaho o hanapbuhay, medical purposes o emergency situations.”

“Ang mga edad 12 hanggang 17 naman ay maaari lamang makapasok sa mga pinapayagang establisimiyento para sa non-vaccinated individuals kung may kasamang family member o guardian na fully vaccinated na,” ani Manucdoc.

Ang kapasidad ng mga pinapayagang establisimiyento ay ibinaba sa 50 porsyento, ayon sa opisyal. Muli namang ipinagbabawal ang parada at mga katulad na aktibidad.

Muli ring ipinatutupad ang curfew na mula alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

“Nakikipag-ugnayan na kami sa city disaster risk reduction and management office at iba pang ahensya para maipatupad ang lahat ng ito,” sabi ni Manucdoc.

Samantala, patuloy ang pagsasagawa ng mobile vaccination “upang mailapit sa mga mamamayan, lalo na para sa mga malayo sa sentro ng lungsod ang libreng bakuna laban sa COVID-19,” ayon sa lokal na pamahalaan.

Hinihiokayat pa rin ang publiko na ipagpatuloy ang pagtupad sa minimum public health standard.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here