LUNGSOD NG BALANGA – Isang bagong kaso lamang ng coronavirus disease ang naitala sa buong Bataan nitong Miyerkules, at bumagsak sa 73 ang kabuuang bilang ng mga aktibong kaso, ulat ng provincial health office nitong Huwebes.
Parang bumalik ang pangyayari noong Marso 2020 kung kailan nagsimula ang pandemya sa Bataan sa isang kaso.
Ang nag-iisang bagong kaso ay mula sa bayan ng Orion na bahagyang nagpataas sa bilang ng mga nagpositibo sa Covid–19 sa 29,477.
Apat naman ang bagong naka-rekober na tig-isa sa Mariveles at Orani at dalawa sa Pilar kaya umabot na sa 28,198 ang mga gumaling.
Umakyat ang bilang ng mga namamatay sa virus sa 1,206 nang magtala ng isang bagong pumanaw na isang 69-anyos na lalaki sa Orani.