LUNGSOD NG MALOLOS — Tatlong bagong gusali ang nasisimulan nang maitayo sa 25-ektaryang annex ng Malolos main campus ng Bulacan State University o BulSU.
Sa pagbisita ni Science and Technology Secretary o DOST Fortunato de la Peña kaugnay ng National Science and Technology Week, ipinakita ni BulSU President Cecilia Gascon na ang naturang mga gusali ay para sa itinatag na Regional Inclusive Innovation Center o RIIC.
Kinonsepto ang RIIC upang tumulong sa innovation ng mga micro, small and medium enterprises sa Bulacan para makasabay sa kumpetisyon pandaigdigang merkado at nagbabagong teknolohiya.
Pagtugon ito ng pamantasan sa pagpapatupad sa Republic Act 11293 o Philippine Innovation Act.
Sa RIIC na ito maghihimpil ang mga regional hubs na nakapaloob sa Technological Hive of Regional Innovation for a Vibrant Ecosystem na pinagkalooban ng DOST ng inisyal na 1.5 milyong piso.
Kabilang dito ang Center for Electronics and Control System na ilalagak sa itinayong limang palapag na Research Building na ngayon ay nasa furnishing stage na.
May halagang 248.4 milyong piso ang proyekto kung saan 150 milyong piso ang mula sa commercial income ng BulSU habang 90 milyong piso ay mula sa 2016 national budget. Target buksan ang pasilidad sa kalagitnaan ng 2022.
Nakatayo na rin ang limang palapag na College of Engineering Building 2 na ngayo’y nasa Phase 3. Sisimulan na ang furnishing stage na magkakaroon ng 36 na mga silid. Tinatayang magagamit ang nasabing pasilidad sa pagitan ng huling bahagi ng 2022 hanggang sa taong 2023.
May halagang 278 milyong piso ang nagugugol sa proyekto kung saan 70 milyong piso ang mula sa 2018 national budget, 79 milyong piso mula 2019 national budget, 69 milyong piso mula sa commercial income ng BulSU at 59 milyong piso mula naman sa 2021 national budget.
Ang proyektong limang palapag na Resource Management Building ay natapos na sa pagbabaon ng mga pundasyon.
Pinatitigas na lamang ang ibinaon na mga pilote na susundan ng aktuwal na konstruksyon.
Nagkakahalaga ang proyekto ng 324 milyong piso na popondohan ng mga national budgets hanggang taong 2023.
May inisyal na 100 milyong piso ang ginugol mula sa 2021 national budget at isa pang 100 milyong piso ng nakapasok sa paparating na 2022 national budget. (CLJD/SFV-PIA 3)