Home Headlines Paggunita ng Undas sa Bataan nagsimula na

Paggunita ng Undas sa Bataan nagsimula na

1333
0
SHARE

Paskel sa araw ng pagbisita sa sementeryo. Kuha ni Ernie Esconde


 

SAMAL, Bataan — Nagsimula na ngayong Lunes ang paggunita ng Undas at pagdalaw sa mga sementeryo sa bayang ito upang maiwasan ang siksikan at bilang pagtalima sa mga safety protocol laban sa Covid-19.

Sinabi ni Rochelle Gabas, barangay health worker, na sarado ang mga sementeryo sa Nobyembre 1–3, 2021 at sa halip ay maagang pinahintulutan ang pagpasok sa mga libingan at paggunita ng Undas dito.

“Simula ngayon ang schedule ng bawat barangay na papasok sa mga sementeryo  dahil sarado ang mga libingan ng November 1–3,” sabi ni Gabas.

Si Gabas na nakasuot ng personal protective equipment ay isa sa mga nakabantay sa pasukan ng Aglipayan cemetery sa Barangay Sta. Lucia kung saan kailangang ilista pangalan at kunan ng temperature ang bawat pumapasok.

Ganito rin ang ginagawa ng mga health workers at barangay tanod sa mga papasok sa public cemetery sa Barangay Sapa at Catholic cemetery sa Barangay San Juan.

“Upang mapanatili ang kaligtasan ng bawat isa sa gitna ng paggunita sa ating mga mahal sa buhay na namayapa, narito ang schedule ng bawat barangay para sa pagdalaw sa mga sementeryo,” sabi ng malaking paskel sa harap ng tatlong sementeryo sa Samal.

Ang October 18–19 ay inilaan para sa paglilinis, pag-aayos ng mga puntod at pagbibigay-galang ng mga mula sa barangay West Calaguiman at East Calaguiman.

October 20–21 para sa barangay Sapa at Sta. Lucia, October 22 – West Daan Bago at San Juan, October 24–25 – San Roque at East Daan Bago, October 26–27 – Ibaba at Tabing Ilog, October 28–29 – Lalawigan at Imelda, at October 30–31 – Gugo at Palili.

Kapuna-puna na sa unang araw ay mangilan-ngilan lamang ang mga taong naglilinis at dumadalaw sa mga puntod. Maraming puntod ang maayos at malinis na ngunit may ilang hindi pa rin naaalisan ng mahabang mga damo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here