Home Headlines Mahihinang tulay sa Malolos sinimulan nang palitan, laparan  

Mahihinang tulay sa Malolos sinimulan nang palitan, laparan  

513
0
SHARE

Isa-isa nang pinapalitan ng mas malalapad at matatatag ang mga dating makikitid at mahihina nang mga tulay sa Malolos. (Shane F. Velasco/PIA 3)


 

LUNGSOD NG MALOLOS — Isa-isa nang pinapalitan ng mas malalapad at matatatag ang mga dating makikitid at mahihina nang mga tulay sa Malolos.

Dalawa rito ay napasinayaan na gaya ng mga tulay ng Sionson sa barangay San Vicente at Domsal-Malanggam sa barangay Bulihan.

Ayon kay Mayor Gilbert Gatchalian, kasing tanda ng Malolos ang mga kalsada at mga tulay nito na ipinagawa pa ng mga Kastila.

Mula noon aniya, maraming mga lumang daan sa Malolos ay idinisenyo upang makadaan ang mga kalesa at karwahe kaya’t makikitid din ang mga tulay.

Patuloy din sa pagtaas ang lebel ng tubig ng mga sapa at ilog sa Malolos na nakadugtong sa Manila Bay dahil sa nagbabagong klima na dulot ng pagtaas ng temperature ng mundo.

Dahil dito, kabilang sa mga prayoridad ng pamahalaang lungsod ang pagsasaayos ng mga tulay at kalsada base sa kasalukuyang pangangailangan at para sa hinaharap.

Ang dating tulay ng Sionson na nasa likuran ng wet section ng palengke ng Malolos, ay dating nalulubog sa pagbabaha kapag may high tide at panahon ng tag-ulan. Itinaas ito ng halos dalawang metro upang hindi na makasampa ang tubig.

Kasing lapad na rin ito ng isang salubungang tulay gaya ng mga nasa national road sa lapad na 6.0 meters. Mas pinahaba rin ito mula sa dating 6.0 meters sa pagiging 10.80 meters.

Ang dating kahoy lamang na tulay ng Domsal-Malanggam sa barangay Bulihan, ay isa nang kongkreto na nilaanan ng 1.2 milyong piso.

Maari nang madaanan ng mga sasakyang apat ang gulong na dating limitado lamang sa mga motor at tricycle.

Magsisilbi na rin itong alternatibong ruta mula sa Mac Arthur Highway patungo sa Bulihan-Longos Road.

Nakatakda na ring simulan ngayong taon ang mga tulay ng Paraiso sa Taal na nagkakahalaga ng 669 libong piso, sa Lugam na nasa 999 libong piso, sa Mojon na 1.4 milyong piso at Heritage sa Longos na nasa 3 milyong piso. Target matapos ang mga proyekto sa 2022 o mas maaga pa.

Dalawang malalaking tulay naman ang gagawin sa Dakila na aabot sa 10 milyong piso ang inilaan at sa Anilao na nasa 13 milyong piso.

Ipinaliwanag pa ni Gatchalian na bahagi ang mga proyektong tulay na ito sa kabuuang plano na maihatid ang Malolos sa taong 2030 bilang isang industrial city. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here