Barangay Calungusan chairman Christopher Velasco. Kuha ni Ernie Esconde
ORION, Bataan — Patuloy ang mahigpit na paalaala ng isang barangay council dito na sundin ang mga itinakdang protocol upang hindi na maulit na magkaroon ng granular lockdown tulad noong buwan ng Agosto.
Sinabi ngayong Lunes ni Barangay Calungusan chairman Christopher Velasco na paulit-ulit niyang pinaalalahanan ang kanyang mga kababayan sa pagsusuot ng face mask kahit mismo sa bahay dahil utos, aniya, ito ng municipal health office.
“Hindi na nakakasiguro kung sino talaga ang positive sa coronavirus disease at kung may lalagnatin sa pamilya ay nag-iisip ang mga kaanak na baka positive ito. Dapat iwasan lalo na ang gathering dahil ito ang nagiging dahilan ng hawahan at pag-akyat ng mga kaso ng Covid-19,” sabi ni Velasco.
Nakalulungkot, ani kapitan, na noong Agosto ay nagkaroon sa kanila ng 20 positive cases at na-quarantine ang halos 100 tao kaya napilitang ideklara ang granular lockdown sa isang bahagi ng kanilang barangay.
Isang senior citizen ang namatay.
Nagpapasalamat si Velasco dahil hindi umano sila pinabayaan ng pamahalaang bayan ng Orion sa ilalim ni Mayor Antonio Raymundo at ng provincial government sa pamumuno ni Gov. Albert Garcia.
Sinabi ni Velasco na sa panahon ng lockdown ay limitado ang paglabas ng mga tao. Ang mga may hawak ng quarantine pass ay pinapayagan daw na lumabas tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes lamang.
Naging mahigpit, aniya, sila at noong Agosto 21 matapos ang 14 na araw ay na-lift ang lockdown.
“Lagi nating sundin ang mga safety protocol,” sabi ni Velasco.