Home Headlines Task Force LAG, binuo ng PACC para sa imbestigasyon ng P10,000 kaltas...

Task Force LAG, binuo ng PACC para sa imbestigasyon ng P10,000 kaltas sa ayuda

730
0
SHARE

Ipatatawag ni PACC Chairman Greco Belgica at ng Task Force LAG ang mga sangkot sa pagbabawas ng hanggang P10,000 ayuda mula sa Livelihood Assistance Grant para pagpaliwanagin ang mga ito hinggil sa reklamo ng mga benepisyaryo.


 

PANDI, Bulacan — Binuo ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang Task Force LAG na tututok sa imbestigasyon ng mga reklamo ng kaltas sa ayuda ng hanggang P10,000 sa mga benepisyaryo ng Livelihood Assistance Grant (LAG).

Ito ay kasunod ng maghain ng reklamo ang mga benepisyaryo ng LAG sa tanggapan ng PACC dahil sa anilay sapilitang pagbabawas ng P5,000 hanggang P10,000 mula sa natanggap na tulong pinansyal sa mga naapektuhan ang hanapbuhay dahil sa pandemya.

Batay sa salaysay, ang pamamahagi ng LAG sa bayan ng Pandi ay pinangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Regional Social Welfare and Development Office (RSWDO) at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) kung saan nakatanggap ang mga benepisyaryo ng halagang P15,000 tulong pinansyal mula sa pamahalaang nasyunal.

Ngunit hindi pa daw nakakaalis ng lugar ang mga benepiyaryo kung saan ipinamahagi ang ayuda ay pwersahan nang ipinalagak ng mga kinatawan ng Magic 7 Cooperative ang halagang P5,000.

Reklamo nilang hindi naman sila miyembro ng nasabing kooperatiba para agad na maglagak ng pera doon at wala ding ibinigay sa kanila na passbook bilang katunayan na sila ay kasapi nito.

Pag-uwi naman daw sa kanilang mga bahay, muli ay may kumausap sa kanila at pwersahan din na ipina-donate ang panibagong P5,000 para magamit naman daw ng mga samahan sa barangay gaya ng senior citizens, PWD, kababaihan o iba pang sektor.

Gagamitin naman daw iyon ng mga samahan sa pagtatayo ng kabuhayan gaya ng bigasan, tubigan o grocery stores.

Kalaunan ay lumabas sa kanilang pagsisiyasat na hindi lehitimo ang Magic 7 cooperative at non-existent ito sa kanilang bayan.

Ayon naman kay PACC Chairman Greco Belgica, labag sa guidelines ng LAG ang sapilitan na pagbabawas ng pera mula sa tulong pinansyal dahil ang beneficiaries nito ang may karapatan kung saang kabuhayan nila ito gagamitin at makabangon sa krisis ng pandemya.

Dahil dito, ipatatawag nila ang mga opisyales ng DSWD, RSWD, MSWD, mga Pamahalaang Barangay at ang Magic 7 cooperative para magpaliwanag sa nasabing reklamo.

Ani Belgica, kung lalabas na may katiwalian sa nasabing insidente ay agad silang magsasampa ng kaso para papanagutin ang mga nasa likod nito.

“Ang pagbibigay ng administrasyong Duterte ng mga ganitong uri ng tulong pinansyal ay para matulungan na makabangon ang mga nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya at hindi ito para pagsamantalahan ng iilan kayat pangako namin ang mabilisang imbestigasyon para dito,” sambit ni Belgica.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here