Home Headlines Libreng antigen testing, patuloy na ginagawa sa Cabanatuan

Libreng antigen testing, patuloy na ginagawa sa Cabanatuan

866
0
SHARE

Ang mga isinasagawang libreng antigen testing ng Pamahalaang Lungsod ng Cabanatuan sa mga nasasakupang mamamayan. (LGU Cabanatuan File Photo)


 

LUNGSOD NG CABANATUAN — Patuloy ang isinasagawang libreng antigen testing sa lungsod ng Cabanatuan.

Ayon kay Mayor Myca Elizabeth Vergara, kung nakararanas ng anumang sintomas ng COVID-19 tulad ng sipon, ubo, lagnat, pananakit ng lalamunan, at iba pa ay tumawag sa mga himpilan ng nakasasakop na health center sa siyudad.

Tumutulong na din aniya ang City Disaster Risk Reduction and Management Office sa pagsasagawa ng antigen test dahil sa dami ng mga kailangang masuring mamamayan.

Pang-unawa ang pakiusap ng alkalde sa mga mamamayan na hintayin ang iskedyul ng gagawing pagsusuri dahil understaff na din ang mga Rural Health Unit o RHU sa dami ng mga nagkakasakit sa mga sakop na barangay.

Kaniya ding sinabi na minsan ay kinakailangang magsara ng health center dahil mismong mga kawani o frontline health workers na ang nagkakasakit.

Pahayag ni Dr. RJ Abaya, physician sa Cabanatuan City Health Center IV ay pataas ng pataas ang mga naitatalang bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19 sa 13 nasasakupang mga barangay, kung saan magkakapamilya ang nagkakahawahan kabilang ang mga sanggol o mga bata.

Kaniyang paalala sa lahat, kung nakararanas ng anumang sintomas ng COVID-19 ay ipaalam agad sa Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) o kaya ay sa mga health center upang masuri at maagapan ang kalagayan.

Mapalad aniya ang mga tiga- Cabanatuan dahil may libreng serbisyo ang pamahalaang lungsod gaya ng antigen testing, mismong mga kawani ng health center ang pumupunta sa mga pasyenteng hindi na kayang bumyahe o tumungo sa pinakamalapit na center.

Panawagan ni Abaya ay huwag sayangin ang panahon dahil ang bawat araw ay mahalaga sa paggamot o pagbibigay lunas sa mga may sakit ng COVID-19.

Gayundin ay maging tapat sa pagtukoy ng mga close contacts nang mapayuhang magsagawa ng quarantine at pagsusuri.

Kung nadeklarang close contact naman ay sumunod sa mga tagubiling sumailalim sa quarantine at iwasang may makasalamuhang iba.

Pasasalamat ang ipinaaabot ni Abaya sa mga barangay health workers, sa mga tanod at mga kapitan na tumutulong sa mga nasasakupang nagkakasakit ng COVID-19.

Sila aniya ang katuwang ng tanggapan sa pagmomonitor, pamamahagi ng mga gamot sa mga pasyente at sumasama sa mga kinakailangang ihatid sa ospital.

Pahayag ni Abaya, pagod na ang mga health workers huwag nang hintaying mapilayan o bumagsak ang health system sa siyudad kaya’t habang may panahon pa ay tumulong sa pamamagitan ng pagkakaroon ng disiplina upang mapigilan ang pagdami ng mga nagkakasakit. (CLJD/CCN-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here