Home Headlines Kaltas na pera sa tulong pinansyal mula sa LAG at TUPAD program...

Kaltas na pera sa tulong pinansyal mula sa LAG at TUPAD program inireklamo ng mga benepisyaryo sa PACC

667
0
SHARE

Ipinag-utos ni PACC Chairman Greco Belgica ang imbestigasyon hinggil sa mga alegasyon ng pagbabawas ng tulong pinansyal mula LAG at TUPAD program.


 

PANDI, Bulacan — Inireklamo ng ilang mga benepisyaryo ng Livelihood Assistance Grants (LAG) sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang anilay sapilitang pagbabawas ng P5,000 hanggang P10,000 mula sa natanggap na tulong pinansyal sa mga naapektuhan ang hanapbuhay dito dahil sa pandemya.

Naghain ang mga benepisyaryo ng pormal na reklamo sa PACC hinggil sa anilay anumalya sa pamamahagi ng LAG na pinangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Regional Social Welfare and Development Office (RSWDO) at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).

Ayon sa salaysay, binigyan ang mga nagrereklamo ng halagang P15,000 ayuda na pinapirmahan pa sa kanila ng MSWDO bilang patunay na natanggap na nila ang ayuda.

Reklamo nila na hindi pa sila nakakaalis ng lugar kung saan ipinamahagi ang perang ayuda ay pwersahan nang ipinalagak sa kanila ng mga kinatawan ng Magic 7 Cooperative ang halagang P5,000.

Reklamo nilang hindi naman sila miyembro ng nasabing kooperatiba para agad na maglagak ng pondo doon at wala ding ibinigay sa kanila na passbook bilang katunayan na sila ay kasapi nito.

Anila, matapos na maibigay ang halagang P5,000 ay lumabas sa kanilang pagsisiyasat na hindi lehitimo ang nasabing kooperatiba at non-existent ito sa kanilang bayan.

Pag-uwi naman daw sa kanilang mga bahay, muli ay may kumausap sa kanila at pwersahan din na ipina-donate ang panibagong P5,000 para magamit naman daw ng mga samahan sa barangay gaya ng senior citizens, PWD, kababaihan o iba pang sektor.

Gagamitin naman daw iyon ng mga samahan sa pagtatayo ng kabuhayan gaya ng bigasan, tubigan o grocery stores.

Dahil dito, inireklamo nila sa PACC ang pangyayari dahil ang alam nila na ang halagang P15,000 dapat ay buo nilang natanggap at hindi dapat pwersahan na kaltasan para ipasok sa bogus cooperative at livelihood program ng mga samahan.

Ayon naman kay PACC Chairman Greco Belgica, agad niyang pasisimulan ang pagdinig sa naturang reklamo para alamin ang mga pangyayari at siniguro sa publiko na kung lalabas na may katiwalian sa reklamo ay agad na sasampahan ng kaso at papapanagutin ang mga nasa likod nito.

Ani Belgica, ang pagbibigay ng administrasyong Duterte ng financial assistance ay para mapakinabangan ng mga pamilya na naapektuhan ang hanapbuhay dahil sa umiiral na community quarantine at hindi para ibulsa ng iilan.

Bukod sa LAG ay iimbestigahan na rin ng PACC ang reklamo ng ilang mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) sa barangay Holy Spirit, Quezom City hinggil sa anilay sapilitan ding pagbabawas sa natanggap na tulong pinansyal kung saan ang mga benepisyaryo nito ay nakatanggap lamang ng sahod na P2,000 sa halip na P7,500.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here