Home Headlines Mga Rizaleño, hinihikayat magpasuri agad kung may sintomas ng COVID  

Mga Rizaleño, hinihikayat magpasuri agad kung may sintomas ng COVID  

943
0
SHARE

Anuman ang panahon, sakay ng kolong-kolong ay patuloy sa contact tracing ang mga kawani ng pamahalaang bayan ng Rizal sa pagtukoy ng mga nakasalamuha ng mga nagkakasakit ng COVID-19. (LGU Rizal, Nueva Ecija)


 

RIZAL, Nueva Ecija — Ipinanawagan ni Rizal Mayor Trina Andres sa mga kababayan na magpasuri agad kung nakararanas ng anumang sintomas ng COVID-19.

Ayon sa alkalde, mahalagang magsabi agad at huwag matakot na magpasuri kung nakararamdam ng anumang sintomas ng COVID-19 upang makasiguro sa kaligtasan ng sarili at pamilyang nakakasalamuha.

Kung may sintomas gaya ng sipon, lagnat, ubo, sore throat, pagkawala ng panlasa at pang-amoy o iba pang sintomas ay agad na tumawag sa COVID-19 hotline ng pamahalaang bayan ng Rizal na 09619512918 o 09457331113 o kaya naman sa tanggapan ng nakasasakop na barangay upang masuri.

Ang paalala ni Andres, huwag nang hintayin na dumami ang nagkakasakit sa pamilya o mahawa ang mga mahal sa buhay bago sumailalim sa COVID-19 test.

Aniya, mahalaga ding sumailalim sa quarantine o mag-isolate agad kung nakararanas ng sintomas habang hinihintay ang resulta ng ginawang pagsusuri sa COVID-19.

Ipinaunawa din ng alkalde na sa kasalukuyan ay mahirap makahanap ng bakanteng kwarto sa mga ospital kung kinakailangang magpa-admit.

Ang ibang pasyente ay nakararanas na maghintay sa labas o sa triage ng ospital hanggang magkaroon ng bakante sa COVID ward.

Ang panawagan ni Andres, tulungan ang pamahalaang bayan, ang barangay dahil hindi kakayanin ng tanggapan na bantayan ang lahat ng mga nasasakupang mamamayan upang mapigil ang pagdami ng mga nagkakasakit.

Kaniya ding ibinalita na nagsimula na noong nakaraang linggo ang pagbabakuna sa mga mamamayang sakop ng kategoryang A4 na mga frontline workers gaya ang mga nasa commuter transport, nagtatrabaho sa mga pamilihan, manufacturing ng food, beverage, medical at pharmaceutical products, ang mga nasa food retail kasama ang food delivery services, private o government financial services, hotel accommodation establishments at marami pang iba.

Kinakailangan lamang aniyang magparehistro sa pamamagitan ng online registration o kaya naman ay magpalista sa barangay at hintayin ang tawag ng vaccination team para sa iskedyul upang maiwasan ang pagdagsa ng tao.

Ayon pa kay Andres, kung pasok sa A1 hanggang A4 catogory ay magparehistro na, huwag matakot sa bakuna, mas maigi ang mayroong proteksiyong bakuna kaysa wala.

Patuloy pa din niyang ipinapaalala sa lahat na bawal muna ang gathering o anumang salu-salo, iwasan din ang pagpunta sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19, at kung wala namang mahalagang lalakarin ay manatili na lamang sa mga tahanan upang mapangalagaan ang sarili at pamilya, panatilihin ang pag-iingat at magpabakuna.

Sa datos kahapon, ika-30 ng Agosto taong kasalukuyan ay nasa 108 ang active cases na nagpositibo sa RT-PCR test sa buong bayan ng Rizal bukod pa ang 118 na nagpostibo sa antigen test.

Sa kabuuan ay umabot na sa 835 ang bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19 sa Rizal na kung saan 701 ang mga gumaling at 26 ang mga nasawi. (CLJD/CCN-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here