Home Headlines NEA chief sinibak sa puwesto 

NEA chief sinibak sa puwesto 

593
0
SHARE

PACC chief Greco Belgica


 

LUNGSOD NG MAYNILA— Sinibak ni Pangulong Duterte sa pwesto si National Electrification Administration chief Edgardo Masongsong kasunod ng rekomendasyon ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) dahil sa paggamit sa pera ng gobyerno sa kampanya ng isang partylist noong halalan ng 2019.

Sa programang Talk to the People Biyernes ng gabi ay inanunsyo ng pangulo ang pagsibak kay Masongsong sa pwesto na resulta ng masusing imbestigasyon ng PACC.

Ayon naman kay PACC chairman Greco Belgica, ang pagsibak sa pwesto kay dating Undersecretary Masongsong ay pagpapakita na walang pinipili ang kasalukuyang administrasyon sa paglaban sa katiwalian.

“Kakampi o hindi ng administrasyon ay wala pong sini-sino ang Pangulong Duterte at PACC basta ang mga ito ay lumabas sa imbestigasyon na nasangkot sa katiwalian,” diin ni Belgica.

Bukod sa pagkakasibak kay Masongsong sa pwesto ay nahaharap pa rin ito sa mga kasong Grave Misconduct in relation to Sec 3(e) of R.A. 3019; Violation of Existing Civil Service Laws; at Engaging directly or indirectly in partisan political activities by one holding a non-political office under the 2017 RACCS sa tanggapan ng Ombudsman.

Matatandaan na buwan ng Mayo 2021 ng isinampa ng PACC ang kaso laban kay Masongsong matapos na lumabas sa imbestigasyon na lumabag ito sa Omnibus Election Code dahil sa ilegal campaign fund contribution ng mga electric cooperatives sa Philreca partylist.

Ani Belgica, sa magkakaibang petsa ay naglabas ng resolusyon ang mga electric cooperatives (EC) na nasa ilailim ng pangangasiwa ng NEA para magbigay ng pondo para sa kampanya ng Philreca.

Ipinagbabawal kasi sa batas na mag-ambag ng pondo sa kampanya ng isang kandidato o partylist ang isang public utility entity gaya ng mga ECs.

Bilang nakaupong administrator ng NEA noon ay wala aniyang ginawang pagtutol si Masongsong sa paglalabas ng pondo ng mga ECs pabor sa nasabing partylist.

Ang NEA ay isang government-owned and -controlled corporation (GOCC) sa ilalim ng Department of Energy ang naatasan para mangasiwa sa 121 rural electric cooperatives sa bansa.

Nagpapasalamat naman si Belgica kina Pangulong Duterte, Senador Bong Go, Executive Secretary Salvador Medialdea at sa publiko sa tiwala at suportang ibinibigay sa kakayanan ng PACC.

Muli ay hinikayat pa rin ni Belgica ang publiko na tumulong at makipag-ugnayan sa PACC na mag-text sa 0906 692 7324 at tumawag sa 8888 o mag email sa complaints@pacc.gov.ph sakaling may reklamo hinggil sa korapsyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here