Ang Gabaya Street sa Barangay Barretto na nilagyan ng harang upang hadlangan ang paglabas at pagpasok ng mga hindi residenye sa lugar. Kuha ni Johnny R. Reblando
LUNGSOD NG OLONGAPO – Iniutos ng city government ang paglalagay ng pulang watawat o red flag sa mga kalye ng siyudad kung saan may nakatirang positibo sa coronavirus disease.
Ito ay para bigyan ng babala ang mga residente na iwasan ang pakikihalubilo sa mga kapitbahay dahil sa posibilidad na mahawaan.
Ayon kay Association of Barangay Captains president Randy Sionzon, sumang-ayon ang lahat ng kapitan sa kautusan kaya inaasahang makikita ang mga red flag sa ilang kalye ng lungsod.
Kaugnay nito, nilinaw naman na hindi sa mismong bahay ng pasyente ilalagay ang red flag para maiwasan ang disrikimasyon.
Ang Olongapo City ay nasa ilalim pa rin ng modified general community quarantine.
Samantala, ibayong paghihigpit and ipinapatupad sa Barangay Barretto simula Miyerkules bilang pag-iingat pa rin sa pagkalat ng Covid-19 Delta variant.
Sa kanyang Facebook page, sinabi ni punong barangay Gie Baloy na isasara ang ilang kanto ng kanyang nasasakupan bilang proteksyon sa pagkalat ng pandemya.
“Magsasara po tayo ng mga ibang kanto sa kadahilanang umabot na po sa mahigit 300 ang active cases sa ating lungsod at sa ating barangay may mahigit 20 active cases, punuan na rin po ang mga hospitals ng ating lungsod,” ayon kay Baloy.
Pinayuhan ng punongbarangay ang kanyang nasasakupan na mas mainam na umiwas magkasakit sa pamamagitan ng pananatili sa kanilang mga bahay.
Hinikayat din nito na iwasan muna mangapitbahay, makipag-inuman, maki-party at ipinagbabawal ang pagtitipon-tipon ng maraming tao.
Lilimitahan din sa barangay ang mga lamayan ng patay sa tatlo hanggang limang araw, at limitado din ang mga taong makikipaglamay.
Sa kabilang banda ay nilinaw ni Baloy na ang mga manggagawa ay malayang makakapasok sa trabaho ngunit hinikayat na mag-ingat nang husto.
Ipagbabawal ang mga pagpasok ng mga non-residents sa Barangay Barretto at itinakda lamang ang mga pick-up at drop-off point ang mga delivery riders sa Olongapo Police Precinct 6 sa barangay hall compound.
“Pang-unawa po ang amin pong hinihingi para sa kaligtasan ng ating mamamaya, sumunod po tayo para ligtas ang bawat isa”, diin pa ni Baloy.