Personal na naghatid ng tulong si Gov. Daniel Fernando sa mga naapektuhan ng habagat. Kuha ng PPAO
LUNGSOD NG MALOLOS — Tumanggap ng tulong mula sa pamahalaang panlalawigan ang may 22,324 pamilyang naapektuhan ng Bagyong Fabian na pinalakas pa ng habagat nitong mga nakaraang lingo.
Sa atas ni Gobernador Daniel Fernando, agad na nagsagawa ng relief operation ang provincial social welfare and development office sa bayan ng Calumpit kung saan may kabuuang 3,738 na pamilya ang nabahagian ng food packs kabilang na ang mga barangay ng Sta. Lucia, San Miguel, at Gatbuca.
May 8,093 pamilya naman mula sa bayan ng Balagtas kasama ang mga barangay ng Panginay, Wawa, at San Juan at 1,600 na pamilya mula sa bayan ng Marilao kabilang ang Barangay Poblacion II ang hinatiran rin ng tulong.
Sa pagpapatuloy ng relief operation muling tinungo ng PSWDO kasama si Fernando ang mga barangay ng Gugo, Meysulao, at Frances sa bayan ng Calumpit kung saan mayroong karagdagang 3,491 na pamilya ang natulungan at sa bayan ng Marilao kabilang ang mga barangay ng Abangan Norte at Poblacion I kung saan may karagdagang 6,641 na pamilya ang tumanggap ng relief goods.
Ayon sa punong lalawigan, dapat maging alerto dahil paparating pa lamang ang mga buwan ng matitinging pag-uulan.
Anya wala pa tayo sa buwan ng Setyembre, Oktubre, Nobyembre na kasagsagan ng kalamidad at bagyo kayat marapat na maging mapagmatyag para sa kaligtasan ng bawat Bulakenyo.
Kamakailan ay nagpaabot din ng tulong ang pamahalaang panlalawigan sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa Barangay San Juan, San Miguel at Barangay Ang Sta. Ines, Bulakan. — Vinson F. Concepcion/PIA-3