Home Headlines Isko 2022 IM Pilipinas inilunsad sa Ecija

Isko 2022
IM Pilipinas inilunsad sa Ecija

1377
0
SHARE

TALAVERA, Nueva Ecija – Bitbit ang agenda para sa mga magsasaka, partikular ang pag-amyenda sa kontrobersiyal na Rice Tariffication Law, nakiisa ang ilang grupo ng mga magsasaka sa iba’t ibang sektor sa panawagan nitong Martes na patakbuhin si Manila Mayor Isko Moreno sa pagka-pangulo sa 2020.

“Sa ngayon po ay dama namin at nakikita ang matinding kahirapan na dulot ng isang anti-poor law na tinatawag na Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law,” pahayag ni Rudy Benardo Antonio, opisyal ng Talavera Modern Farmers’ Association.

Ani Antonio, labis ang ibinagsak ng presyo ng palay nang ipatupad ang RTL noong March 15, 2019 na nagresulta  sa malawakang pagkalugi ng mga magsasaka ng Nueva Ecija at iba pang bahagi ng bansa.

Hindi binanggit ni Antonio ang partikular na probisyon ng batas ngunit umaasa siya na maamyendahan man lamang ito upang mabigysng prpteksyon ang mga Pilipinong magsasaka sakaling maging presidente ng bansa si Moreno.

Sinigundahan naman ito ni Dr. Raymund Sarmiento, lead convenor ng inilunsad na Kilusang IM (o Ikaw Muna) Pilipinas, sa pagsasabing bigo ang RTL sa layunin nitong maibaba ang presyo ng bigas. “Tumataas pa rin ang presyo ng bigas pero hindi tumataas ang presyo ng palay,” ani Sarmiento.

Ang mga pahayag ay ginawa sa pormal na paglulunsad nitong Aug. 10, ng virtual launching ng IM Pilipinas sa lalawigan ng Nueva Ecija na isinagawa sa kumbinasyong face-to-face at online meeting bilang pagsunod sa itinakdang patakaran ng NE Inter-Agency Task Force upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Pinangunahan ni Sarmiento, provincial convenor at ng mga national convenors na sina former Usec. Thomas ‘Tim’ Orbos, Philip ‘Dobol P’ Piccio, Bong Mangahas at Elmer Argano, secretary general ang pagbubuo at panunumpa ng mga local convenors at mga bagong miyembro ng kilusan sa lalawigan na mula sa mga sektor ng mga magsasaka, tricycle drivers, mga manggagawa, negosyante, propesyunal, health workers, kababaihan, kabataan at LGBTQ.

Ayon kay Sarmiento, binubuo ang IM Pilipinas ng mga nagkakaisang lider mula sa hanay ng mga karaniwang mamamayan sa paniniwalang ang susunod na dapat na maging pinuno sa pamamahala ng ating bansa ay may puso at naka-uunawa sa totoong kalagayan ng taumbayan,  isang lider na katulad ni Moreno.

Ayon sa kanya, malaking hamon ang kinakaharap ng ating bansa dulot ng pandemya kaya nangangailangan tayo ng matapang at may malasakit na bagong pinuno.

Pangunahin aniya sa mga dapat na pagtuunan ng pansin ng gobyerno ay ang matinong serbisyo sa kalusugan dahil bukod sa mabagal ay kulang ang bakuna kontra Covid-19 para sa lahat ng mga mamamayan.

Kaya naman naniniwala ang IM Pilipinas na ito na ang tamang panahon upang magbigkis at kumilos ang sambayanang Pilipino para pumili ng bagong lider na may kakayahang i-ahon ang bansa sa kinasasadlakang kahirapan, paliwanag ni Sarmiento.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here