Naniniwala si PACC Chief Greco Belgica na bibigyang diin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa huling SONA nito ang naging kampanya ng administrasyon kontra korapsyon.
LUNGSOD NG MAYNILA — Umaasa si Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chief Greco Belgica na ang paglaban sa kurapsyon ang isa sa magiging sentro ng State of the Nation Address (SONA) mamaya ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang paglaban sa katiwalian daw kasi ang isa sa mga legasiya ng kasalukuyang administrasyon bukod sa paglaban sa droga, kriminalidad, terorismo at magandang ekonomiya.
Ayon kay Belgica, tinupad naman ng Pangulong Duterte ang ipinangako nito sa publiko noong May 2016 election na lalabanan nito ang corruption activities sa bansa.
Bilang patunay aniya ay nilikha ng Pangulo ang PACC kung saan ay marami ng mga matataas na opisyal na sangkot sa katiwalian ang nasampahan ng kaso at nasibak sa kani-kanilang mga pwesto.
Bukod pa sa pagkakalikha din ng Anti-Red Tape Authority o ARTA at DOJ anti-corruption task force na katuwang din ng PACC sa paglaban sa kurapsyon.
“Hindi naman po ito nagawa ng nakaraang administrasyon at ito ang isa sa kailangan pang gawin hanggang sa huling araw ng termino ng ating Pangulo,” paliwanag ni Belgica.
Aniya, bago matapos ag termino ng Pangulo ay maitatatag na ang “Project Kasangga: Tokhang Laban sa Katiwalian” at ang paglalagay ng mga Anti-Corruption Committees sa mga ahensya ng pamahalaan para mabantayan ang katiwalian at mas mabilis na pagtugon sa mga reklamo hinggil dito.
“Umaasa din kami na ang mga anti-corruption drive na ito na nasimulan ng Pangulong Duterte ay ipagpapatuloy ng susunod na administrasyon dahil hindi maaring itigil ang nasimulan na nating paglaban sa ilang dekada ng katiwalian na nagpapahirap sa taumbayan,” giit ni Belgica.