LIKAS na sa ating mga Pilipino
ang ugaling kung kailan ang isang tao
ay patay na, saka binibuhay ito
sa kung anong bagay na iniwan nito.
Gaya ng kung ito’y uliran sa bait,
matulungin at ni walang bahid dungis
ang pagkatao sa di kanaisnais
na gawa, ang turing ay anghel sa langit.
Na kabaligtaran, na gaya ng iba
na mabanggit lang ang pangalan, kakaiba
ang dating sa mga nakakakilala,
at maging ng ibang kamag-anakan pa.
Mahirap tanggapin ang katotohanan
na kung tayong ito ay naging gahaman
sa di para sa’tin, tulad ng iba riyang
mga pulitiko, ya’y pag-uusapan.
Gaya ng kailan lang nga ay namayapa
na naging Pangulo nitong ating bansa,
di ba’t mayrun pa ring d’yan tumutuligsa
sa umano’y mali raw nitong nagawa?
Isinisisi ng marami kay PNoy
ang pagkasawi r’yan sa parteng Mindanao
ng ‘Special Armed Force’ o ang SAF 44
nang dahil sa mali raw niyang naging aksyon.
At iba pang aywan kung ya’y matatawag
na kapalpakan ang ginawa at sukat
ang tungkuling naka-atang sa balikat,
pero minamali ng di kabalikat.
Kaysa kung saan dapat binubuhay
ng marami ay ang mabubuting bagay
nitong nagawa at ang bigyang buhay
ang kapuri-puring naging pamumuhay.
Subalit kung naging gahaman at ganid
ang isang pumanaw dito sa daigdig,
pag-uusapan man, baka masasakit
na salita lang ang sa kanya ikapit.
At malamang, imbes ito ay purihin,
sa kung anong klase niyang mga gampanin,
baka hindi pa man siya nailibing,
sampal na sa mukha ang pabaon natin.
At kung saan iba’t-iba ang pananaw
ng ilan at nitong kahit na mababaw
ang pagkakilala sa isang pumanaw,
maa-aninag sa bawat naging galaw.
Na dili’t iba ang kung marami itong
sa oras ng lamay pumunta sa burol
nang namayapa ng si Pangulong PNoy,
pero ni di yata dumalo si Digong?
o nang dahil na rin diyan sa lintik na
Covid-19 tako dumalo ang iba?
Ano’t anuman ay idalangin siya
(PNoy) sumalangit nawang kaluluwa!