LUNGSOD NG MALOLOS —- Nasa kabuuang 171 barangay mula sa 14 na bayan sa Bulacan ang lubog sa baha dahil sa pag-ulang dala ng habagat, high tide at kasama na rin ang epekto ng pagpapakawala ng tubig mula sa Ipo Dam at Bustos Dam.
Nasa isa hanggang anim na talampakan ang mga nararanasang pagbaha sa mga bayan ng Obando, Balagtas, Baliwag, Calumpit, Guiguinto, Hagonoy, Paombong, Bocaue, Plaridel, Bustos, Sta. Maria, Meycauyan, at Marilao, at sa lungsod na ito.
Nasa kabuuang 126,422 pamilya o 619,969 indibidwal na ang apektado ng baha sa buong lalawigan. Habang nasa 1,614 pamilya o 7,878 indibidwal, ang inilikas naman mula sa mga bayan ng Meycauyan, Balagtas, Guiguinto, Baliwag, Calumpit, Hagonoy, Paombong, Plaridel, Bocaue, Bustos, Sta. Maria at Malolos.
Sa bayan ng Calumpit ay apektado ng pagbaha ang lahat ng 29 na barangay dito.
Mag-iisang buwan nang nananatili ang tubig baha dito partikular sa Barangay San Miguel kaya’t bangka na rin ang kanilang gamit na transportasyon.
Ang ilang residente ay nanatili sa mga bubungan at ikalawang palapag ng kanilang mga tahanan at karaniwang sakit na kanilang nararanasan ay ang ubo sipon at kati sa balat gaya ng alipunga.
Naapektuhan na rin ang kanilang hanapbuhay dahil sa pagbaha.
Samantala, nasa P45,860,000 na ang halaga ng pinsala sa imprastraktura sa buong lalawigan dahil sa habagat.