LIKAS na marahil sa ating Pangulo
itong kahit di siya galit, gawi nito
ang magmura kaya tama lang siguro
na huwag na lang nating seryosohin ito.
At sanayin na lang ang ating sarili
sa kung paano natin mapanatili
ang ating respeto at paghanga pati,
kaya inihalal nating presidente.
Kung anuman ang sa kanya kapintasan
ng iba, gaya ng sa ganang dilawan
at ilang sektor na kumakalaban
sa rehimeng Duterte, paninira lamang.
At higit kailanman mabuting di hamak
itong kay Digong na naging pamalakad
sa gobyerno, kaysa r’yan sa taga Tarlac,
na pinamahayan ng dorobo’t corrupt.
Sa dilang mahusay maglubid-buhangin,
si PNoy panalo at higit ang galing,
ya’y base na rin sa di maitatangging
kapalpakan nitong huli kung bilangin.
Ang SAF 44 ba ay mapapahamak
kung di nang dahil sa kawalan ng sapat
na kaalaman sa ika nga’y standard
na ‘protocol’ sa kung ano ang marapat?
Tama bang atasan n’yan isang ‘police
general’ upang siya itong kwenta mag-‘lead’
sa pag-dakip kay Marwan at ibang ‘wanted’
na ‘police character’ gayong ito’y ‘on leave?’
At kung saan wala ni isang natirang
buhay sa nasabing SAF 44 na ‘yan,
kaya ano at di kay PNoy, kabayan
isisi dapat ang pagkamatay nga n’yan?
Sa pananalita higit na magaling
ang anak ni Ninoy, kaya kung sumain
wala ni sa kalingkingan ng ating
pumalit sa kanya, na masalita rin.
Dangan nga lang itong huli o si Digong
ang pagsasalita ay di tuloy-tuloy,
na kagaya nga ng ‘the 3rd’ o ni PNoy,
na namana n’yan sa tatay niyang si Ninoy.
Pero ‘in terms of who among the two has served
The country during their presidency, I guess
It’s none other than our incumbent president,
Whom we may say has done for us his very best.
Maliban sa di siya naging ‘Ali Baba,’
naging ‘dorobo’ at masakim sa pera;
tama’t masyado siyang sabi’y mapagmura,
pero ang gayon ay bukam-bibig lang niya.
At ang tangi nga lang na maipipintas
ay itong para bang mga pang-himagas
lang sa kanya itong murahin at sukat
ang inaakalang may pagka-Barabas.
‘Mannerism’ na niya ang ganyang estilo
na ng pagsita sa mali ng kung sino,
kaya sanayin na rin natin siguro
ang ating sarili sa ugali nito.
Kaysa naman d’yan sa mga walang kibo,
na ika nga’y nasa loob daw ang kulo;
sila itong ayon sa banal na turo
ang mas marapat na sunugin ng buo!