Home Headlines Covid-19 sa Bataan: 61 bagong kaso, 3 patay

Covid-19 sa Bataan: 61 bagong kaso, 3 patay

916
0
SHARE

Bataan Gov. Albert Garcia



LUNGSOD NG
BALANGA Nagtala ang Bataan nitong Huwebes ng tatlong bagong namatay sa coronavirus at 61 bagong kumpirmadong kaso na ang 27 ay mga persons deprived of liberty, ulat ng provincial health office ngayong Biyernes.

Ang mga bagong nasawi ay isang 46 na taong gulang na babae mula sa Hermosa, 67-anyos na lalaki sa Balanga City, at 69-anyos na babae mula sa Limay kaya tumaas sa 117 ang bilang ng mga pumanaw sa Covid–19.

Umakyat ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa virus sa 4,708 na 548 ang mga aktibong kaso.

Bukod sa 27 PDL, ang iba pang 34 na bagong kumpirmadong kaso ay pito sa Balanga City, tig-lima sa Limay at Bagac, apat sa Dinalupihan, tig-tatlo sa Orani, Abucay at Samal, dalawa sa Mariveles, at tig-isa sa Morong at Hermosa.

Umabot na sa 131 ang mga PDL na nagpositibo sa virus matapos madagdagan ng tig-27 sa magkasunod na araw ang nauna nang 77 detenido noong Linggo. Lahat sila ay nasa isang isolation facility sa Balanga City.

Tumaas sa 4,043 ang mga nakarekober nang magtala ng 13 bagong gumaling – lima sa Abucay, apat sa Pilarat tig-isa sa Balanga City, Limay, Mariveles, at Orani.

Ayon sa PHO, 7,707 medical frontliners na ang nabakunahan.

Samantala, ikinalungkot umano ni Gov. Albert Garcia ang report na maraming PDL sa Bataan District Jail ang nagpositibo sa Covid19.

Gusto kong ipaalam sa lahat na agaran ang naging aksyon ukol dito ng ating pamahalaang panlalawigan, sa tulong ng PHO, Balanga City Health Office, at Bureau of Jail Management and Penology, upang kagyat na matugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayang PDL,” sabi ng governor.

Nagsasagawa sa kasalukuyan ang PHO, ani Garcia, ng malawakang swabbing simula pa noong Sábado, hindi lamang sa mga inmates, kung hindi pati na rin sa mga jail officers at staff, lalo na sa lahat ng mga nagpapakita ng sintomas ng Covid19.

Sinabi ng governor na ipagpapatuloy ang swabbing hanggang makasigurong ganap na ang testing at ligtas na ang lahat ng 464 PDL at mga kawani ng district jail.

Ang lahat ay sumasailalim sa round-the-clock monitoring ng ating mga jail officers sa ilalim ng pangangasiwa ng PHO at pakikipag-ugnayan sa city health office upang mabigyan ng karampatang lunas ang lahat ng maysakit,” sabi ni Garcia.

Si Mayor Francis Garcia ng Balanga City ay may masusi ring pakikipag-ugnayan upang malunasan ang sitwasyon ng mga PDL.

Sinisiguro natin na may sapat na supply ng face mask at face shield, disinfectant, at pagkain ang ating mga PDL habang ang lahat ng frontliners na nagsisilbi sa kanila ay may personal protective equipment,” sabi ng governor.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here