Home Headlines Chicken holiday laban sa slaughterhouse privatization

Chicken holiday laban sa slaughterhouse privatization

1426
0
SHARE

Tinda ng manok sa Pampang Market. Kuha ni Rommel Ramos



LUNGSOD NG
ANGELES — Planong magpatupad ng chicken holiday ng isang linggo ang mga nagtitinda ng manok sa Pampang Market para ipakita ang pagtutol sa pagsasapribado ng slaughterhouse ng lungsod.

Ayon sa grupong Angeles City United Suppliers, Vendors and Workers Association, ito ang kanilang paraan para ipakita ang pagtutol dahil sa inaasahan na mas tataas pa ang presyo ng kada kilo ng karne ng manok dahil sa dagdag gastos sa ilalim ng build-operateand-transfer agreement sa pagitan ng pamahalaang lokal at ng Cabanatuan Eaca Agro-Ventures, Inc.

Hindi anila ito napapanahon lalo ngayong nasa gitna pa ng pandemya at nagpapatupad nga ng price ceiling sa National Capital Region ang Department of Agriculture sa presyo ng kada kilo ng karne ng manok.

Ayon kay Evangeline Lacson, chicken supplier, ngayon ay nasa P165 hanggang P170 ang halaga ng kada kilo ng manok sa palengke.

At dahil sa dagdag gastos sa ilalim ng public-private partnership na ito ay pinangangambahan nilang sisipa sa P185 hanggang P190 ang presyo ng kada kilo ng manok sa palengke.

Sa ngayon ay nasa P5 lamang ang bayad nila sa taga-linis ng kada piraso ng manok ngunit sisingilin sila ng P17 kada piraso sa slaughterhouse.

Mula daw nang maranasan ang Covid-19 ay bumagsak na sa 50 porsiyento ang kanilang benta at dahil sa slaughterhouse program ay pinangangambahan na bumagsak na lamang sa 20 hanggang 30 porsiyento ang kanilang benta kada araw.

Kung dati ay nakakapagbenta sila ng 15 hanggang 20-kilo ng manok kada araw ay baka maging 5-kilo na lang ito kada araw kapag tumaas na ang presyo.

Sa kanilang komputasyon sa dati na overhead expenses sa manual na pagkatay ng manok na P12,000 kada araw ay sasampa ito sa P32,000 o katumbas ng 220 porsiyentong pagtaas sa daily expenses.

Ayon naman kay Angeles City councilor Arvin Suller, nakaharap na nila sa committee hearing nitong Huwebes ang mga nagrereklamo.

Ipararating daw ng kanyang kumite sa tanggapan ni Mayor Carmelo Lazatin ang mga hinaing ng stakeholders kung paano ito reresolbahin.

Ngunit ipinaliwanag niya na kailangan ang modernization ng kanilang slaughterhouse batay sa itinakdang regulasyon ng National Meat Inspection Service.

Lumalabas daw kasi na pawang mga hot meat ang mga tindang karne ng manok sa palengke ng Angeles City kapag hindi ito papadaanin sa proseso ng modernisasyon ng slaughterhouse.

Ani Suller, layunin nito na maging ligtas sa publiko ang mga tindang karne ng manok, baboy, at isda sa lungsod.

Batay sa dokumento, lumagda noong June 29, 2020 si Lazatin at Richmond Davin Lim, ang president-CEO ng Cabanatuan Eaca Agro-Ventures, Inc para sa build-operateand-transfer agreement ng Angeles City Slaughterhouse na tatagal ng 25 taon.

Una dito ay nakasaad naman sa Resolution No. 5, series of 2019 noong Oktubre 11, 2019 ng Local Development Council, ang rehabilitation, operation, transfer of Angeles City Slaughterhouse sa layunin na i-modernize ang operasyon nito na masiguro ang malinis, ligtas at hygienic meat para sa publiko.

Samantala, hindi pa nagbibigay ng pahayag si Lazatin hinggil sa slaughterhouse program sa ilalim ng BOT agreement ng pamahalaang lokal at pribadong kumpanya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here