Isa sa tatlong truck na may kargang undocumented cigarettes. Kuha ni Ernie Esconde
LIMAY, Bataan – Tinatayang nasa P36 million ang halaga ng nakumpiskang undocumented na sigarilyo sa tatlong bayan ng Bataan noong Miyerkules, matapos ang imbentaryo ng pulisya ngayong Biyernes.
Ang iba-ibang brand ng sigarilyo na sakay ng tatlong trailer trucks ay nadiskubre sa police checkpoints sa bayan ng Limay na nagkakahalaga ng P9 million, sa Orion – P8.4 million, at sa Hermosa – P18.75 million.
Sinabi ni Limay police chief Major Madtaib Jalman na ang mga sigarilyo ay galing sa isang barko na nakadaong sa isang dockyard sa Orion at dadalhin umano sa Novaliches, Metro Manila.
Nakadetine ang tatlong driver at tig-iisang pahinante at naka-impound ang tatlong sasakyan sa mga bayang nabanggit.
Ayon kay Jalman, ang trailer truck na na-impound nila ay may kargang iba-ibang brand ng sigarilyo tulad ng Marvels, Two Moon, at D & B. “Sa inventory, lumabas na 440 master cases ng sigarilyo ang karga ng truck na ang estimated street value ay P9 million.”
Ang trailer truck ay umiba umano ng direksiyong pupuntahan na sa halip na sa direction ng Maynila ay lumiko ito sa kaliwa papuntang Limay. Ang driver ay maliligo lamang daw sa Limay at pagkatapos ay pupunta na rin ng Novaliches, sabi ng hepe ng pulisya.
“Sa checkpoint, hinanapan namin ng kaukulang dokumento. Ang ipinakita na resibo ay sa biscuit na nang bandang huli ay umamin na rin ang driver na sigarilyo ang karga nila,” sabi ni Jalman.
Ang Japan Tobacco, Inc. na may-ari ng brand na Mighty at Marvels ay nagbigay daw ng certification na fake ang mga sigarilyo at magsasampa ng kasong paglabag sa Intellectual Property Rights.
Sinabi ni Jalman na umamin ang driver na nahuli nila na kasamahan din ang mga trucks na na-impound sa Orion at Hermosa at lahat sila ay papuntang Novaliches.
Ayon kay Hermosa police chief Major Jeffrey Onde, matapos silang maabisuhan na ang Limay police at ang police mobile force company ay may hinahabol na truck na may lulang undocumented na sigarilyo ay agad silang nagsagawa ng checkpoint sa Barangay Palihan.
“Nang ma-intercept namin ang trailer truck, nadiskubre naming may karga itong 25 na malalaking sling bags na naglalaman ng 500 master cases (50 reams bawat master case) na nagkakahalaga ng humigit-kumulang sa P18.75 million,” sabi ni Onde.
Ang mga brand ng sigarilyo ay Mighty, Marvels, at D&B, dagdag ni Onde.
Sa Limay naman, sinabi ni police chief Major Joshua Gonzales, na-intercept nila ang isang trailer truck na may kargang undocumented na sigarilyog Marvels, Mighty, at Two Moon sa 21 malalaking sling bags.
Ito, ani Gonzales, ay nagkakahalaga ng P8.4 million.
Ang may kagagawan ay nahaharap sa kasong violation ng Republic Act 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines, sabi ng tatlong hepe ng pulisya.
Samantala, nasa kontrol na raw ng Bureau of Customs ang barko at mga crew sa dockyard. Napag-alaman na ang barko ay hindi lamang undocumented na sigarilyo ang lulan kundi maging diumano’y undocumented din na bigas na nagkakahalaga ng milyon-milyong piso.
Ang may kinalaman umano ay nahaharap sa kasong large-scale smuggling of agricultural products.
Hindi pinayagan ang media na pumasok sa dockyard.